Una sa lahat ang edukasyon at sentido komon
MAHALAGA talaga ang edukasyon, sa lahat ng bagay. At hindi ko sinasabi ang mataas na uri ng edukasyon bagama’t ito ang pinakamaganda sana. Ang tinutukoy ko ay ang pinaka-baseng edukasyon, ang sentido komon. Sabi nila hindi raw pwedeng ituro ang sentido komon. Kokontra ako roon. Lahat naman ng nalalaman ng isang tao ay dahil natutunan muna niya, o itinuro sa kanya. Sa mga nakaraang aksidente sa dagat at sa kalye, pinatunayan na kung may sentido komon lang ang mga namamahalang tao, hindi sana naganap ang aksidente.
Dalawa ang lumubog na ferry bago natapos ang 2009. Isa ang lumubog sa may Cavite at ang isa ay sa may Verde Island sa Batangas. Overloaded na naman ang ferry, kaya tumagilid at tuluyang lumubog. Kung hindi pinilit na punuin nang husto ang nasabing ferry, hindi sana ito tumagilid at lumubog, kung saan ilan na naman ang namatay at ilan pa ang nawawala! Hindi ba alam ng kapitan at mga pahinante na masama ang barkong sobra sa bigat, lalo na kung hindi rin mabalanse ang mga lamang tao at kargamento nito? Gaano ba kahirap intindihin iyon, kung ma-katapos naman ng kurso sa pagiging kapitan? Ngayon, kung alam naman nila ito at pinilit pa rin, may kriminal na pananagutan talaga dahil gahaman na sa kita!
Isang halimbawa rin ang pagtaob ng isang trak sa may Benguet, kung saan ilan din ang patay nang tumaob at malaglag sa bangin. Ang dahilan? Sobrang bigat ng trak dahil sa sobrang kinargang mga gulay. Tatlong tonelada lang ang kapasidad ng trak, pero pitong tonelada ang kinarga! Nakita siguro na may lugar pa kaya dinagdagan ang karga. Pero ang tinakdang timbang ay hindi dahil sa laki ng lagayan ng kargamento, kundi dahil iyon ang kaya pa rin ng preno ng trak! Kaya pa ring pahintuin ng preno ng trak ang tatlong toneladang karga. Kapag lumampas na rito, hirap na ang preno dahil ang bigat ng trak ang magpapatuloy ng buwelo ng pag-andar, na hindi na kakayanin ng preno. Kaya nawalan ng kontrol ang nagmamaneho at tuluyang nalaglag sa bangin!
Kung itinuro lang ito sa mga pahinante at sa drayber ng trak, wala sanang naganap na aksidente. Pero kung alam at kasuwapangan ang dahilan kaya pinilit kargahan pa, eh dapat managot sa batas!
Mahalaga ang edukasyon. Ito ang dapat isulong ng bagong administrasyon sa 2010. Kung pwede nga sana, edukado na ang lahat ng mamamayan sa Pilipinas, para may laban na rin tayo sa ibang bansa sa maraming bagay, at malagay sa pamahalaan ang mga nararapat na pinuno.
- Latest
- Trending