HANGGANG kailan kaya matuto ang mga pasaway na-ting kababayan para maiwasan ang disgrasya? Halos taun-taon na lang daang katao ang napuputulan ng mga daliri, nabubulag, nalalapnos ang katawan at namamatay sa paggamit ng firecrackers para salubungin ang bagong taon.
Kahapon, umabot sa 446 ang dinala sa iba’t ibang pagamutan sa Metro Manila. Halos kalahati sa mga ito’y mga kabataan na may edad 10 pababa. Kailan pa kayo matuto, kung ubos na ang mga daliri n’yo? Tama lang na maging masaya tayo sa pagsalubong sa bagong taon, subalit kailangan din tayong matutong mag-ingat upang hindi tayo makaperwisyo at makadisgrasya ng kapwa. Kung talagang hindi ninyo maiwasang gumamit ng mga paputok, dapat lamang na ilagay ito sa mas ligtas na lugar at malayo sa mga kabataan upang maiwasan ang trahedya.
Kadalasan, ang mga pawasay nating kababayan, nagyayabang kapag nakainiom o naka-droga. Kaya’t hindi sila kuntento sa buhay hanggat hindi nakapiperhuwesyo ng kapwa. Katulad na lamang sa malagim na kinasasapitan ng isang aleng nakasakay sa pampasaherong jeep-ney sa Rizal Avenue, Sta Cruz, Manila. Nalapnos ang kandungan niya nang sumabog ang rebentador na iniha-gis doon.
Mukhang kulang pa talaga ang pangil ng Philippine National Police sa pagsawata sa mga pasaway. Nasa oras de peligro na bago ipag-utos ni PNP chief Jesus Verzosa ang pagbawal sa paputok na piccolo sa mga tin-dahan. Kung talagang sinsiro ang kapulisan laban sa mga paputok, dapat lamang na higpitan nila nang maaga upang ’di na kumalat sa mga pamilihan.
Hindi rin umubra ang pananakot ni Health Sec. Francisco Duque ng Department of Health dahil likas sa mga Pinoy na kung alin ang bawal ay iyon ang ginagawa. Maging ang programa ni NCRPO Director Gen. Roberto Rosales ay hindi rin umubra matapos maitala sa kasaysayan ang pinakamaraming tinamaan ng ligaw na bala mula sa iresponsableng gunholders. Tingnan sa mga darating na mga araw sa pag-inspection ni Rosales sa mga binusalang baril ng kapulisan. Kasi nga mga suki isinabay ng mga kumag ang pagpapaputok ng kanilang baril sa putukan ng mga rebentador kaya blanko sa ngayon na matukoy ang mga salarin. Subalit naniniwala akong walang lihim na hindi na nabubuking, dahil sa mga sumunod na mga araw ay matutukoy din ito ni Rosales. Sa mga nagpaputok ng inyong baril, humanda kayo kay Rosales. Kilala ko siyang tumutupad sa pangako.