Ipakita muna na patutuparin ang batas!

NANANAWAGAN si PNP chief Dir. Gen. Jesus Ver­ zo­sa sa publiko na tumulong para mapatupad nang husto ang planadong gun ban mula Enero 10 hang­gang Hunyo 9, 2010. Sa madaling salita, hinihiling ang publiko na magsumbong sa pina­kamalapit na presinto ang sinumang makitaang nagdadala ng baril, kahit nakasukbit lang sa baywang, sa loob ng panahon ng gun ban. Na­pakadaling sabihin. Eh pano pala kung buwel­tahan naman ng nagdadala ng baril ang nag­sumbong? Tutulong ba ang PNP?

Alam ng lahat ng mamamayan na likas na maya­ bang at maangas ang mga nagdadala ng baril. Mas masama pa kung may kilalang malakas sa gobyerno o pulis ang may dala, o kaya’y ma­yabang dahil maya­man. Mas masama pa kapag bodyguard na halos wala namang pinag-aralan at sariling utak at binigyan pa ng baril para bitbitin at ipakita sa mga potensiyal na makakabangga ng binabantayan. Matagal nang naririnig ng mamamayang Pilipino ang “total gun ban” na iyan kapag panahon ng eleksyon. Pero marami pa rin ang nagdadala. May nakukulong ba? Lahat naman ng mahulihan ay may sapat at tanggap na dahilan magdala ng baril kapag panahon na ng eleksyon! Kesyo ganito, kesyo ganun. Pera lang ang katapat ng pahin­ tulot na makapagpa­tuloy na makapagdala ng baril, at kapag panahon ng eleksyon, alam natin kung gaano kalakas umulan ng pera para sa masamang hangarin!

Kung ang mga sirena nga bawal sa mga ordi­naryo o walang otoridad na sasakyan, hindi ma­pigil ng PNP kahit kitang-kita na ang paglalabag pero pinadadaan pa, paano pa ang baril na pu­wedeng gamitin para patayin ang magsusum­bong? Paano makukuha ng PNP ang tulong ng ma­mamayan kung maraming batas na hindi naman pinatutupad, katulad nga ng sirena, pla­kang otso, pagsalubong sa daloy ng trapik, at ma­ rami pa? Magkasangga nga ba ang PNP at ang publiko, o natural na magkatunggali dahil halos natu­naw na ang anumang natitirang respe­to ng pubiko sa kapulisan? Di ba’t mga pulis pa nga ang nasasangkot sa Maguindanao massacre? 

Wala sanang problema kung napakaganda ng relasyon ng mamamayan sa PNP, at lahat ng mga batas ay pinatutupad nang walang kiniki­lingan. Problema, hindi. Hindi pantay ang turing ng PNP sa lahat ng ma­mama-yan. Hindi ko naman nilalahat dahil marami ring pulis na respetado, pinatutupad ang batas at walang sinasanto, pero hindi nabibigyan ng pansin dahil ang tingin nga sa kanila ay hindi marunong “makisama”. Kung nais talaga ni Verzosa ang tulong ng publiko, ipakita niya na manghuhuli, kakasuhan at magkukulong talaga siya ng mga lumalabag. Dapat maibalik ang respeto ng publiko sa PNP, para magtutulungan ang lahat!

Show comments