Executive check-up: Sa lalaki

KUNG ikaw ay edad 40 pataas, kailangan mo ng check-up. Kung wala ka pang 40, pero may lahi ka ng sakit sa puso, diabetes o kanser, kailangan mo din magpacheck up ng maaga. Heto ang mga dapat tandaan:

Magpa-blood test bawat taon – Heto ang mga tests na dapat gawin. Complete blood count (para mala­man  ang dami ng dugo), creatinine (para sa kidneys), uric acid (para sa arthritis), cholesterol (para sa puso), fasting blood sugar (para sa diabetes), at SGPT (para sa atay).

Urinalysis – Para masuri ang kidneys at malaman kung may impeksyon sa ihi.

Chest X-ray - Para makita ang baga at puso. Kaila­ngan ito kapag naninigarilyo ka o laging may ubo.

ECG - Para malaman kung may sakit sa puso.

Bantayan ang prostate – Kapag nagkakaedad ang lalaki, lumalaki ang prostate. Minsan ay nagiging kanser pa ito. Ipa-check ang iyong PSA test para malaman kung may diperensiya o wala.

Bantayan ang colon cancer – Para makaiwas sa colon cancer, kumain ng maraming gulay at prutas. Pag lampas ng edad 50, kailangan magpasilip sa puwit (sigmoidoscopy o colonoscopy). Ipa-check din ang dumi (stool exam with occult blood) para makasiguro na walang dugo sa dumi.

Ihinto ang paninigarilyo – Halos 60% ng kalala­kihan ay naninigarilyo. Ang sigarilyo ay nagdudulot ng kanser sa bibig, lalamunan, baga at prostate. Mag-ingat.

Limitahan ang pag-inom ng alak – Huwag mani­wala sa mga sabi-sabi na mabuti ang red wine para sa iyo. Kapag nasobrahan ka sa alak ay masisira ang iyong atay, bituka at utak.

Mag-ehersisyo – Ang tamang pag-e-ehersisyo ay 30 minutos hanggang 1 oras, at gawin ito ng 3-5 beses sa isang linggo. Huwag din magpataba.

Alamin ang BP –Ang normal na blood pressure ay 120 over 80. Kapag lu­mampas ka sa 140 over 90, ang ibig sabihin ay may altapresyon ka na. Magpa­tingin sa doktor.

Magbawas ng stress – Masama ang stress sa ating katawan dahil nagla­labas ito ng cortisol. Ang cortisol ay nakasisira sa ating mga organo.

Magpabakuna – Para sa mga edad 50 pataas, kailangan ninyo magpa­ba­kuna laban sa Pulmonya at Trangkaso. Ang tawag dito ay pneumonia vaccine at flu vaccine. Sa mga kaba­taan, magpacheck din kung kailangan ninyo ng Hepatitis B vaccine.

Hindi mahal ang magpa-check up. Sa katunayan ay mas hahaba pa ang iyong buhay. Sana ay makum­binsi natin ang mga lalaki na alagaan ang kanilang sarili. Good luck po!

Show comments