Ngayong taong ito anong mangyayari
Sa loob ng bansang maipagkakapuri?
Sana’y huwag namang matulad sa dati
Na tayo’y alipin ng dusa’t pighati!
Sa daraang taon tayo ay nalugmok
Sa delubyong baha na nagmukhang salot;
Ang damdamin nati’y sinaklot ng takot
Tahanan at buhay – mistulang alabok!
Lumubog sa baha ang buong paligid
Dahil sa marumi ang ating daigdig;
Ang mga imburnal, lagusan ng tubig
Barado ng bahay, basura at putik!
At dahil sa naging burara ang bayan
Kaya ang nangyari – Inang Kalikasan –
Sa utos ng langit ay kumilos naman
Ito ang naglinis sa bukid at bayan!
Pinakamasaklap nang nagdaang taon
Mga Pilipino ay naging simaron;
Armadong lalaki’y humarang sa convoy
At pinagbabaril taong nangaroon!
Tao at sasakya’y nawalan ng buhay –
Sila ay marami at hindi iilan;
Ito ay malaking katampalasanang
Sa historya nati’y di malilimutan!
Baha at pagpatay ay kapwa naganap
Nang nagdaang taon na taong lumipas;
At sa taong 2010 na darating bukas
Huwag sanang maulit ang bansa’y mawasak!
Sa taong darating kung walang ganito
Ngayon lang gaganda Buhay-Pilipino;
Huwag din mangyaring sa eleks’yon dito
Ay mayro’ong dayaan at saka magulo!
Ang sitwasyong ito kung masusunod lang
Tayong mga Pinoy lalong hahangaan:
Bantog na nga tayo sa ating si Pacquiao
At Penaflorida’ng bida sa aralan!