ARAW-ARAW dumodoble ang bilang ng mga taong makikita sa lansangan. Kaya ang trapiko, sobrang bigat, sobrang bagal.
Dinudumog ang mga pamilihan magmula mall at tianggean kayat matapos mamili ng bawat tao, karamihan taxi ang pinaka-in demand na sasakyan.
Dahil sa sitwasyong ito, sinasamantala ng ilang mapang-abusong taxi driver na manlamang, mamili at tumanggi sa mga pasahero.
Pagpasok ng linggong ito, marami-rami ang text messages at sumbong na nakakarating sa BITAG hinggil sa mga pasaway na taxi driver. Nagmistulang hotline ng LTO ang aming tanggapan sa mga sumbong.
Ultimong mga staff ng BITAG nabibiktima ng mga pasaway na taxi driver, tinatanggihan at nagpapatong ng pasahe.
Kung hindi pa magpapakilala na taga-media hindi pa susunod sa tama at wastong pagsakay ng pasahero ang mga taxi driver na ito.
Taong 2007 nang umpisahan ng Land Transportation Office ang Oplan Isnabero na huhuli sa mga inirereport na kumpanya ng taxi at driver.
Mariing ipinagbabawal ng LTO ang pagtanggi sa pasahero, pamimili ng ruta ng biyahe at pagpatong ng pamasahe ng sobra sa kanilang metro ng mga sasak-yang taxi.
Subalit tuluy-tuloy na nangyayari ang mga ipinagbabawal na ito at mas lalong nagiging garapal ang ilang taxi driver.
Tinatawagan ng pansin ng BITAG ang LTO na maging mapagmatyag at agresibo sa pagbabantay sa lansangan sa mga inirereklamong taxi drayber.
Sa mga pasaherong makakaranas ng ganitong pangyayari sa pang-iisnab at pananamantala ng mga taxi driver, maaaring itawag at itext sa LTO Hotline 0927-9366777 at 9219071. Kunin ang plate number ng taxi at pangalan ng kumpanya .
Kung napansing malapit sa mga MMDA post at police station, maaaring dito rin ireport at humingi ng tulong upang rumesponde sa inyong sumbong.
Makikipagtulungan rin ang BITAG sa LTO kung saan ipapasa namin ang mga plate number at pangalan ng kumpanya ng taxi na itinext o itinawag sa aming tanggapan.