Dalawang atleta
DALAWANG atletang sikat sa buong mundo ang nalalagay sa sinag, dahil sa maling dahilan. Ito ay sina Tiger Woods ng golf at si Manny Pacquiao ng boksing. Sa nakaraang buwan, sunud-sunod ang mga pangyayari sa buhay ni Tiger Woods. Nabangga ang sasakyan, at hanggang ngayon ay hindi pa talaga alam kung ano ang tunay na nangyari, pero lumabas ang mga balita at usap-usapin na maraming kalaguyo pala itong hari ng golf, at nalaman na ng asawa. Parang apoy na ku malat ang mga balita sa buong mundo sa loob ng ilang minuto lang. Salamat sa internet. Naglitawan ang mga umano’y kalaguyo ni Woods, at nagpainterbyu pa sa mga diyaryo at telebisyon. Hanggang sa nagsalita na rin si Tiger Woods. Inamin ang pagkakamali at nagsabing mawawala na muna siya sa eksena ng golf, para ayusin ang kanyang pamilya, at ang kanyang sarili. Pagkatapos niyan, sunud-sunod ang paglaglag sa kanya ng ilang kompanya bilang endorser. Kasama na ang Gillette, Gatorade at Accenture. Iniisip pa ng Tag Heuer at AT&T kung bibitawan na rin siya. Tandaan na ang malaking porsiyento ng kita ni Tiger Woods ay galing sa pag-eendorso ng mga produkto. Kaya marami ang nagtatanong, makabalik pa kaya siya sa laro ng golf, at kung makabalik man, pareho pa kaya ang galing at tingin sa kanya?
Si Manny Pacquiao ay may halos parehong sitwasyon. Nagsimula ang mga usapin ukol sa kanyang umano’y relasyon kay Krista Ranillo ilang linggo bago ang laban niya kay Miguel Cotto. Magkasama sila sa isang pelikula na ipapalabas sa darating na Film Festival sa katapusan ng taon. Pero may pinagkaiba rin ang kuwento ni Manny kay Woods. Itinanggi ng dalawang kampo na may relasyon sila. At, walang naglalaglag na kompanya kay Manny Pacquiao bilang taga-endorso ng kanilang mga produkto. Lalo namang hindi mawawala pansamantala si Manny sa boksing, at pinag-hahandaan na nga ang kanyang sarili para sa laban kay Floyd Mayweather Jr.! Walang problema!
Dito mo makikita ang pinagkaiba ng ating kultura sa Ame rika. Para sa atin, tila hindi malaking kasalanan ang magka-roon ng mga kalaguyo, kahit anakan pa ang ilan! Tanging ang asawa lang ang naghihirap, at wala nang iba. Binoto para maging presidente ng bansa ang isang kilalang tao na may mga anak sa iba’t ibang babae. Parang tsapa pa ng kalalakihan ang magkaroon ng mga kerida at anakan pa!
Tingnan na lang natin kung ano ang mangyayari sa buhay ng pinakasikat na manlalaro ng golf sa buong mundo, na naging bilyonaryo sa napakabatang edad. Sulit pa kaya ang kanyang paglalaro sa labas ng golf, kung ang kapalit naman ay kanyang pagbagsak, na baka pati pamilya niya ay matangay din?
- Latest
- Trending