EDITORYAL - Pulitiko ang pinagsisilbihan ng mga pulis sa Maguindanao

MASYADO nang nalublob sa kahihiyan ang ilang miyembro ng Philippine National Police (PNP). Hinahatak pababa ang mga kasamahang mabubuti. Nawawalan tuloy ng saysay ang ginagawa ni Gen. Jesus Versoza para maibangon ang kanyang orga­nisasyon. Tila ba walang kamandag ang kanyang banta sapagkat lalo pang bumabaho ang PNP ha­bang lumilipas ang panahon. At lalo pang nadagda­gan ang baho dahil sa nangyaring massacre sa Ma­guindanao noong Nobyembre 23 kung saan apat na senior police officers ang isinasangkot sa pagpa­tay sa 57 katao na kinabibilangan ng 30 mamama­hayag.

Sa pagkakasangkot ng apat na police officers sa Maguindanao, wala nang katuturan ang motto ng PNP na “To Serve and Protect”. Sino ang pinagsisil­bi­han at pinuprotektahan nila? Hindi kaya ang mga pulitiko?

Ang apat na police officers ay inalis na sa tungku­lin at kasalukuyang nasa Camp Crame para im­bes­­ti­ga­han. Maraming nagpapatunay na wala silang gina­wang hakbang para mapigilan ang massacre sa 57 katao. At ang matindi, dalawa sa kanila ay isina­sangkot mismo sa massacre. Itinuturo ang isang Inspector Mariga na nakita umanong naki-participate sa pagbaril sa mga biktima. Isinailalim na siya sa “restrictive custody”. Isinasangkot din si Insp. Saudi Mokamad sa pagpatay. Sinalakay noong Mart­es ang bahay ni Mokamad at nakakumpiska ng mga baril na pinaniniwalaang ginamit sa massacre.

Ayon sa mga miyembro ng Philippine Army, nang makaabot sa kanilang kaalaman na hinarang ang convoy ng mga Mangudadatu, agad silang nagtungo sa lugar at isang police checkpoint ang kanilang nadaanan. Tinanong nila ang mga police officers na sina Chief Insp. Sukarno Dicay at Senior Insp. Ariel Diongon kung nagdaan sa checkpoint ang convoy ng mga Mangudadatu at ang sagot, hindi raw. Wala raw silang nakita. Ayon pa sa mga sundalo, humigit-kumulang dalawang kilometro lamang ang layo ng checkpoint sa pinangyarihan ng krimen.

Nang puntahan nila ang lugar ng krimen, naabu­tan nila ang dalawang militia men na may M-16 rifles. Inaresto nila at dinala kay SPO4 Badawi Bacal, hepe ng pulisya. Pero nadismaya ang mga sundalo sa­pag­kat pinakawalan ang mga ito ni Bacal. Nahaharap din sa kaso si Bacal.

Sa nadiskubreng ginagawa ng mga pulis sa Ma­guindanao, hindi ang taumbayan ang kanilang pi­nag­­lilingkuran kundi mga pulitiko roon. Malinaw itong nakikita kaya dapat magsagawa pa ng puspusang pagtatrabaho si Versoza para maibalik ang tiwala ng taumbayan sa PNP. Hindi pulitiko ang kanilang dapat paglingkuran kundi ang taumbayan.

Show comments