MARAMI nang pagkakataon na ang overseas Filipino workers (OFWs) ang inaasahan ng pamahalaan na nagsasalba sa ekonomiya ng ating bansa.
Ito ang napag-usapan namin ng aking panganay na anak na si Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada, chairman ng Senate Committee on Labor, Employment and Human Resources Development at ng joint Congressional Oversight Committee on Labor and Employment.
Mismong ang National Economic and Development Authority (NEDA) ang naglabas ng pahayag na grabe ang naging pagtamlay ng manufacturing industry at iba pang negosyo sa Pilipinas sa nakarang third quarter ng taon (Hulyo, Agosto-Setyembre 2009).
Base sa datos ng National Statistical Coordination Board (NSCB) mahina ang pag-usad ng ekonomiya sa nasabing quarter kumpara sa kaparehong period noong 2008. Dahil dito, lalong lumaki ang kakulangan ng pondo ng pamahalaan. Kaya ngayon, to the rescue uli ang OFWs sa pamamagitan ng kanilang remittances.
Ayon sa Banko Sentral ng Pilipinas (BSP), ang remittances ng OFWs noong Setyembre ay umabot sa $1.45 bilyon, na lubhang lumaki dahil umano sa dagdag na padala ng mga ito sa kanilang mga pamilya bilang pantugon sa pananalanta ng bagyo.
Ngayon namang nalalapit na ang Pasko at Bagong Taon, inaasahang lalo pang lolobo ang remittances ng OFWs dahil sa dagdag uli nilang padala para pambili naman ng mga bagong gamit ng kanilang mga mahal sa buhay para sa tradisyunal na handaan at selebrasyon.
Tumpak ang sinabi ng NEDA na dapat suportahan nang todo ng pamahalaan ang OFWs. Nakalulungkot lang ang pahayag ng NEDA na ang motibo umano ng ganitong hakbang ay upang matiyak ang tuluy-tuloy at malaki pang remittances ng OFWs, sa halip na kilalanin itong tungkulin ng pamahalaan at karapatan ng mga manggagawa sa ibayong dagat.