Pacquiao sa politics
Maraming beses nang dito ay nasulat
Pambansang Kamao upang di mawasak –
Huwag n’yang pasukin ibang parisukat
Tulad ng politics sa bansa’y pahirap!
Pero sa nakitang pagsisikap niya
May bagong ambisyong nais n’yang makuha;
Hangad n’yang pasukin itong pulitika’t
Sa larangang ito siya’y umaasa!
Sa bawa’t paglaban at pagtatagumpay
Bandera ng bansa ang hawak sa kamay;
At kung sa politics hangari’y marangal
Doon sa Kongreso siya ri’y palaban!
Kung di magbabago sa kanyang hangarin
Na siya’y tumakbo sa Kongreso natin –
At saka kung siya’y sawa na sa boksing
Pati panguluhan ay kanyang marating!
Nakita ng lahat kung siya’y may laban
Itong buong bansa ay tahimik naman
Ang lahat ng tao’y nanonood lamang
Kaya mapapansing tahimik ang bayan!
Sundalo’t rebelde’y hindi naghahamok
Sapagka’t sa boksing sila’y nanonood;
Mayama’t mahirap nasa diwa’t loob
Pambansang Kamao’y samahang manuntok!
Kaya kung sa Congress ay lalaban siya
At ang kabaita’y hindi mag-iiba;
Ang graft and corruption kanyang magigiba
Darating ang araw tayo’y sasagana!
Mahirap ang kanyang pinagda’nang buhay
Kaya alam niya ang wastong paggabay;
At kung itong bansa’y siya ang patnubay
Lahat ng masama’y tiyak hahandusay!
At kung sa halala’y di siya palarin
Ang sports sa bansa ang dapat harapin;
Lahat ng atleta’y kanyang paunlarin –
Upang sa Olympics bansa’y manguna rin!
- Latest
- Trending