EDITORYAL - Kundi pa sumigaw ang buong mundo.

SUMIGAW ang mundo sa karumal-dumal na pag­patay sa 57 sibilyan kabilang ang mga ma­mamahayag sa Maguindanao. Kinondena ng United Nations ang pagpatay. Hindi raw dapat ipag­walam­bahala ng gobyernong Pilipinas ang pang­yayari. Dapat ipagkaloob ang hustisya sa mga pinatay. Kinondena rin ng United States, Australia, European Union at marami pang bansa ang walang katulad na pagpatay sa mga sibilyan at mamama­hayag. Lahat ay nagsasabing, hindi dapat manahi­mik ang gobyerno bagkus ay mabilisang resolbahin ang pagpatay. Ipagkaloob ang katarungan sa mga wa­lang awang pinatay.

Noong Lunes pa ginawa ang karumal-dumal na pagpatay subalit kahapon lamang sumuko ang pangunahing suspek sa massacre. Isinuko ito ng kanyang pamilya kay presidential adviser Jesus Dureza at Lt. Commander Raymundo Ferrer sa ka­pi­tolyo ng Sharif Aguak. Ang isinuko ay si Datu Unsay mayor Andal Ampatuan Jr. Ang kanyang ama ay si Maguindanao governor Andal Ampatuan Sr. Kapatid niya si ARMM gov. Zaldy Ampatuan. Ang mga Am­patuan ay mga malalapit na kaalyado ni President Arroyo. Nang kumandidato si Mrs. Arroyo noong 2004 presidential election, zero ang nakuha ng ka­la­ban niyang si Fernando Poe Jr. Nang mag­ka­roon ng senatorial election noong 2007, landslide ang admi­nistration candidate. Malaki ang utang na loob ni Mrs. Arroyo sa mga Ampatuan.

Ito marahil ang dahilan kaya matagal bago kumi­los si Mrs. Arroyo sa nangyaring krimen. Tatlong araw pa ang pinalipas saka nagpasyang isailalim sa military ang lugar. Wala ring ginawang utos para arestu­hin o kaya’y sibakin sa puwesto ang panguna­hing sus­pek. Di ba’t kung ikaw ang presidente, ikaw mismo ang mag-uutos para arestuhin ang kasang­kot lalo pa’t may mga circumstancial evidence na pinangha­hawakan.

Bago pinatay ang asawa ni Buluan vice mayor Is­ mael Mangudadatu, nakatawag pa ito at sinabing hinarang sila ng mga armadong grupo na pinangu­ngu­nahan ni Ampatuan Jr. Bukod dito, may apat uma­­nong nakaligtas at nagsabi ng karumal-dumal na pagpatay.

Makaraang mapabalita sa mundo ang Maguin­da­ nao masaker, agad dumating ang pagkondena sa ma­ra­ming bansa at hiniling na imbestigahan ang pang­yayari. Isilbi agad ang hustisya. Pero, matagal nga bago nakagawa ng aksiyon ang nasa Malacañang. Kailangan pang sumigaw muna ang mundo bago kumilos.

Show comments