EDITORYAL - Pagbayarin ang mga kriminal!
KARUMAL-DUMAL ang ginawang pagpatay sa 43 katao, kabilang ang mga mamamahayag, matapos silang pagbabarilin ay kung anu-anong kahayupan pa ang ginawa sa kanilang katawan. May pinugutan ng ulo, nilaslasan ng ari at ang iba ay pinasagasaan ang mukha sa sasakyan. Ang mga kababaihan, kabilang ang asawa ng vice mayor ay ginahasa muna bago pinatay. Karamihan sa kanila ay kaanak at supporters ni Buluan Vice Mayor Ismael Toto Mangudadatu na tatakbong governor ng Maguindanao. Ang mga biktima ay sakay ng tatlong van at patungo ng Comelec office sa Maguindanao da-kong 10:30 ng umaga nang harangin ng 100 armadong kalalakihan na pinamumunuan umano ni Mayor Datu Unsay Ampatuan at isang Senior Insp. Dicay ng Shariff Aguak. Dinala sila sa isang masukal na lugar at doon minasaker. Ang ibang mga bangkay ay tinangkang ilibing gamit ang backhoe.
Ito ang pinaka-matinding karahasan na may kaugnayan sa nalalapit na 2010 elections. Umano’y nagalit si President Arroyo sa pangyayari at agad ipinag-utos ang pagtugis sa mga kriminal. Agad ding iniutos ang pagde-deploy ng mga sundalo sa pinangyarihan ng krimen para mapigilan ang paglala pa ng karahasan doon. Inaasahan nang gaganti ang mga kaanak ng biktima. Patay kung patay na ang kanilang isisigaw dahil sa nangyari.
Nararapat na mahuli ang mga “mamamatay-tao”. Pagsikapan ng pamahalaan na mahuli ang mga killer para naman hindi matakot ang mga dayuhan na mag tungo rito. Ibuhos ang puwersa ng military at police para madaling madakip ang mga mamamatay-tao.
Umano’y malapit kay President Arroyo ang mga Ampatuan at marami ang natatakot na baka mawalan ng saysay ang kanilang pagsisikap na mahuli ang mga killer. Baka magkaroon ng hokus-pokus sa imbestigasyon. Ipakita ni President Arroyo na walang kakampihan sa pagkakataong ito. Usigin ang mga may kagagawan. Bago man lamang umalis sa panunungkulan si Mrs. Arroyo ay maitapon sa madilim na kulungan ang lahat nang may kagagawan.
Hindi dapat tigilan ang paghanap sa mga salarin at nang makamit ng mga biktima ang hustisya. Masyadong brutal ang ginawa ng mga mamamatay-tao na wala na marahil kinikilalang Diyos. Pagbayarin sila!
- Latest
- Trending