EDITORYAL - Masaker!
PITONG buwan pa bago ang May 11, elections at kasalukuyan pang nagpa-file ng Certificate of Candidacy (CoC) ang mga kandidato pero ngayon pa lamang, nagsisimula na ang karahasan. Nagsisimula nang mabahiran ng dugo ang 2010 election. Marami na ang naiuulat na namamatay at ang ganito ay nakapagdudulot ng pangamba. Kung ngayon na nagsisimula pa lamang ang pagpa-file ng CoC ay marami nang napapatay, paano pa sa mismong araw ng election.
Kahapon, nadagdagan pa ang bilang ng mga namatay at hindi biro ang nadagdag sapagkat pati mga miyembro ng media ay isinama sa “masaker”. Ayon sa report, dakong 9:30 ng umaga kahapon nang imasaker ang 40 katao sa Bgy. Saniag, Ampa tuan, Maguindanao habang patungo ang mga ito sa Comelec office sa Maguindanao para mag-file ng CoC. Umano’y nakasakay sa Hi-Lux, Hi Ace at Land Rover ang mga biktima nang harangin ng may 100 armadong kalalakihan. Dinala sa isang lugar na malapit sa kuta ng MNLF at saka doon pinagbabaril ang mga biktima. Ginahasa pa umano ang mga kababaihan. Masyadong malupit umano ang ginawa sa mga biktima.
Ang mga biktima ay patungo sa Comelec office sa Sharif Aguak para mag-file ng CoC ni Buluan Mayor Ismael Mangudadatu. Tatakbong gobernador si Mayor Mangudadatu. Magiging kalaban umano ni Mangudadatu si Mayor Datu Andal Ampatuan Jr. ng bayan ng Datu Unsay. Mahigpit na kalaban ni Mangudadatu si Ampatuan. Ayon mismo kay Mayor Mangudadatu, si Ampatuan ang may kagagawan ng krimen. Paulit-ulit na sinabi ni Mangudadatu sa interbyu sa TV Partrol na si Ampatuan ang responsable sa krimen. Masyadong brutal umano ang ginawa sa mga biktima kung saan ay pinagbabaril pa ang mga ulo ng mga biktima at ang iba ay pinugot pa. Pati raw mga miyembro ng media ay hindi pinatawad.
Nakaamba na ngayon ang kaguluhan sa Maguindanao sapagkat maaaring gumanti ang pamilya ng mga biktima sa mga pinaghihinalaang may gawa sa krimen. Dapat kumilos ang mga may kapangyarihan para mapigil ang pagdanak pa ng dugo sa Maguindanao. Tugisin ng pulisya ang mga nagmasaker. Protektahan ang mga mamamayan o sibilyan sa lugar na maaaring maging magulo dahil sa hidwaan ng mga pulitiko.
- Latest
- Trending