EDITORYAL - Nakaalarmang pagmimina sa Mindoro provinces
MAARING matulad sa Boac, Marinduque ang Mindoro provinces kapag pinahintulutang makapagmina ang Intex Resources. Ito ang kinatatakutan ng mga Mindorenyos. Sisimulan na raw ang pagmimina sa Oriental at Occidental Mindoro dahil naisyuhan na ng Environmental compliance cer-tificate (ECC) ang Intex. Ang mga bayan sa Orien-tal Mindoro na dadaanan ng mina ay ang Socorro, Victoria at tatagos hanggang sa Sablayan at San Jose, Occ. Mindoro. Kapag sinimulan ang pagmimina maraming katutubong Mangyan na naninirahan sa mga nabanggit na lugar ang mawawalan ng tirahan at pinagkukunan ng ikinabubuhay sa araw-araw. Masisira rin ang tirahan ng mga tamaraw. Sa kasalukuyan, endangered species na ang tamaraw. Pakonti na nang pakonti ang kani lang bilang. Sa Mindoro provinces lamang makikita ang tamaraw. Kapag sinimulan ang pagmimina, tiyak na maraming mapipinsala. Maaaring makapaghatid ng kabuhayan ang miminahing mineral sa Min- doro pero marami rin naman ang pipinsalain at papatayin. Kailangan bang may mapinsala para lamang umunlad?
Tumututol ang mga Mindorenyo sa pagmimina ng Intex. Noon pa ay marami na ang nagpapahayag ng pagtutol. Huwag hayaang pasukin ng dambuhalang mining company ang lupang Mindoro. Iligtas sa pagkasira ang Mindoro.
Nalalaman ng mga taga-Mindoro ang nangyari sa kalapit probinsiyang Marinduque kung saan ay pininsala ng Marcopper Company, isang malaking kompanyang nagmimina. Sinira ng Marcopper ang Boac River. Ang tailings mula sa minahan ay sa Boac River itinapon at naging dahilan para hindi na umagos. Namatay na ang Boac River.
Nagkakaisa ang mga Mindorenyo para pigilan ang Intex sa pagmimina. Malaki ang responsibili-dad ng DENR sa gagawing hakbang ng Intex kaya dapat na maging alerto ang mga Mindorenyo. Tutulan ang mga magmimina. Hindi kailangan ang kompanyang sisira sa likas na yaman at sa mga buhay ng katutubo at mga hayop.
- Latest
- Trending