KAHAPON nagsimula ang filing ng certificates of candidacy (COC) para sa mga nagnanais tumakbo sa 2010 elections. Tatagal hanggang Dec. 1, 2009 ang pagpa-file ng COC. Ang campaign period ay magsisimula naman ng Pebrero 9, 2009 hanggang Mayo 8, 2010 (para sa national) at Marso 26, 2009 hanggang Mayo 8, 2010 (para sa local).
Mahigpit ang babala ng Commission on Elec- tions (Comelec) sa mga magpa-file ng COC. Kapag daw nakapag-file na ang kandidato ng kanilang COC, bawal na ang electioneering o ang premature campaigning. Mahigpit na ipinagbabawal ang pangangampanya at sinumang kandidato na lumabag sa pinag-uutos ng Comelec ay mahaharap sa disqualification. Agad-agarang papatawan ng disqualification ang kandidatong mapapatunayang nangampanya nang wala sa takdang panahon.
Ipinaliwanag ng Comelec na sandaling nag-file na ng COC ang kandidato, lahat ng election materials na nakakabit o nakasabit sa mga publikong lugar ay dapat alisin. Bawal na ang mga tarpaulin, streamers, banner na kinasusulatan ng pangalan ng kandidato sapagkat ito ay maliwanag na pangangampanya. Hindi patatawarin ng Comelec ang mga kandidatong lalabag sa kautusan.
Mahigpit din ang babala ng Comelec sa mga kandidatong may private armies o armed groups. Buwagin na raw ito habang maaga kaysa naman maging daan pa para diskuwalipikasyon. Kung nais daw ng mga kandidato nang mapayapang election, lansagin na ang kanilang mga sandatahang grupo. Ito raw ay kung pagmamahal ang kandidato sa bansa.
Babala pa rin ng Comelec, pag-isipan sana ang gagamiting material para sa kanilang kampanya. Bawasan daw ang paggamit ng papel, plastics at tarpaulins. Kung mahal daw ng kandidato ang environment, sundin ang pakiusap ng Comelec.
Ang tanong ay sundin kaya ng mga kandidato ang nakasaad sa batas? Hindi kaya pagkaraang mag-file ng COC ay mangampanya na sila. At gaano kasiguro na maipatutupad ng Comelec ang parusang disqualification. Kaya ba ng Comelec na maglabas ng pangil sa mga pasaway na kandidato? Mas maganda kung sasampol agad sila para naman matakot ang iba pa. Sige, lang.