TUNGKOL ito sa kasong isinampa ni Abe laban sa mga pulis na sina Dario at Romy. Humihingi ng danyos si Abe sa diumano ay paglabag ng mga pulis sa karapatan niya laban sa hindi makatarungang paghahalungkat at pagkumpiska ng mga personal niyang kagamitan. Inimbita kasi nina Dario at Romy si Abe sa presinto tungkol sa insidente ng pamamaril.
Sa paglilitis ng kaso tungkol sa danyos, ipinahayag nina Dario at Romy sa korte na sa umpisa ay pumayag si Abe na sumama sa kanila sa presinto ngunit bigla na lamang nitong pinasibad ang sasakyan papunta sa kanyang bahay kaya sinundan nila ito. Nang buksan ni Abe ang pinto ng sasakyan upang tumakbo papunta sa pinto ng kanyang bahay ay saka nila nakita ang kal. 45 baril na nasa tabi ng upuan ng driver pati ang shotgun na nakapatong sa likurang upuan ng sasakyan. Kinuha nila ang mga armas at kinasuhan si Abe ng illegal possession.
Ayon naman kay Abe ay na-“frame-up” lang siya. Kinumpiska raw nina Dario at Romy ang mga baril nang walang search warrant at labag ito sa karapatan niya. Mas pinakinggan ng korte ang salaysay nina Dario at Romy. Isinaalang-alang na ginagawa lang nila ang kanilang tungkulin. Binasura ng korte ng Quezon City ang kaso at dineklarang hindi dapat pagbayarin sina Dario at Romy ng danyos sa kanilang ginawa. Tama ba ang korte?
TAMA. Tama lang ang ginawang pagkumpiska ng mga armas. Ayon sa batas, na tinatawag sa Ingles na “plain view doctrine”, ang isang opisyales na nasa tama at nakakita ng anumang bagay na illegal o ipinagbabawal ay maaaring kumpiskahin ito. Kailangan lamang na 1) ang pulis/opisyales na naghahanap ng ebidensiya ay may sapat na dahilan upang makialam o nasa posisyon upang makita ang isang partikular na lugar o bagay, 2) aksidente lamang o nagkataon lamang ang pagkadiskubre sa ebidensiya at kitang-kita ito sa lugar, 3) malinaw sa pulis na ang nakikita niya ay ebidensiya ng isang krimen o kaya ay kontrabando na dapat kumpiskahin.
Sa kasong ito, nasa nasa bing lugar ang mga pulis dahil doon nila inabutan si Abe matapos nitong paandarin ang sasakyan palayo sa kanila. Nakita nila ang mga baril nang buksan ni Abe ang pinto ng sasakyan. Katatapos lang noon ng isang insidente ng pama maril kung saan isinumbong sa kanila na sangkot si Abe. Natural lamang sa mga pulis na isipin na maaaring ebidensiya ng krimen ang naturang mga baril. Ayon sa “plain view doctrine”, tama lamang na ku nin ng mga pulis ang mga ito.
Isa pa, napatunayan din na legal ang pagkakaaresto kay Abe at ang pagkumpiska sa mga baril kahit pa walang warrant. Nakasuhan nga siya ng illegal possession at frustrated murder. Tama lang ang ginawang pagbasura ng korte sa para tang ni Abe na na-“frame-up” siya (Abelita III vs. Doria and Ramirez, G.R. 170672, August 14, 2009).