KAMI ng aking panganay na anak na si Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada, chairman ng Senate Committee on Labor, Employment and Human Resources Development at ng joint Congressional Oversight Committee on Labor and Employment ay natutuwa sa ginawang pagpapasara ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) sa pitong recruitment agencies at pagsuspinde naman sa lima pa na pawang nag-recruit at nanloko sa 137 Pilipinong bus driver sa non-existent jobs sa Dubai.
Ipinasara ng POEA ang CYM International Services and Placement Agency (pinamumunuan ng notoryus na si Coney Paloma), SGA-Sahara International Manpower Services, Across Universe International Manpower Agency, Jenvic International Manpower Services, BML Worldwide Manpower Services Inc., Richfield Overseas Employment Co., at Al Anwar International Manpower.
Sinuspinde at pinagmulta naman ang Vigor International Manpower Services (anim na buwang suspensiyon at P60,000 multa), Bridgewood Human Resources Co. (walong buwan, P80,000), Expert Placement Agency (13 buwan, P130,000), Dreams Manpower and Recruitment Agency (18 buwan, P180,000), at Hana Star Corp. (26 buwan, P260,000).
Sa pamamagitan ng inihain noon ni Jinggoy na Senate Resolution No. 990 ay inimbestigahan ng Senado ang isyu at napag-alamang pinangakuan ng mga recruiter ang mga driver ng umano’y magandang trabaho at malaking suweldo sa Dubai Road Transport Authority (RTA). Ang mga aplikante ay siningil ng tig-150,000 na “processing fee” sa porma ng pautang na babayaran nila ng halos sampung ulit na doble. Pagdating nila sa Dubai ay wala naman palang job opening sa RTA kayat na-stranded sila doon ng tatlong buwan na walang pera at halos walang makain.
Dahil sa hakbang ni Jinggoy ay na-generate ang national at international attention sa usaping ito at ngayon nga ay naparusahan ang mga tiwaling recruiter. Nalalapit na ring bumagsak sa kamay ng batas si Coney Paloma.