MATAPOS ang mahigit tatlong dekada, ayaw nang magbayad ng overtime pay ang mga foreign airline, kasama ang Philippine Airlines (PAL), sa mga tauhan ng Customs.
Natural, apektado ang mga kawani ng Bureau of Immigration and Deportation at Bureau of Quarantine na kailangang magtrabaho mula alas 5 ng hapon hanggang kinabukasan. Ayon sa batas, hindi maaring obligahing magtrabaho ang mga government employees ng mahigit 8 oras o mula 8 a.m. hanggang 5 p.m.
Iyan ang pinagmulan ng bangayan ngayon nina airport collector Carlos “Ding” So at ng Board of Airline Representatives (BAR) at PAL. Ipinoprotesta ni So ang aniya’y hindi makatarungan at biglaang pagtanggi ng BAR at PAL sa pagbayad ng overtime ng mga tauhan ng tatlong kawanihan.
Nagsimula ang alitan nang hilingin ng pamahalaan na i-adjust nang pataas ang basehan ng palitan ng dolyar kontra piso na ginagamit ng mga airline company. Nais kasi ng gobyerno na gamitin ang kasalukuyang exchange rate sa pag-compute ng overtime pay. Kasi naman, mantakin ninyo na ang exchange rate na gustong patuloy na gamitin ng mga airlines ay P25 sa isang dolyar — ang rate noong panahon pa ni Lola Basyang! Ano iyan, gulangan?
Matindi ang pagtutol ng BAR at idinulog pa nila ito sa korte matapos silang barahin ng Office of the President. Sinusuwerte pa rin sila at pinaboran ang kanilang posisyon kahit sa tingin ng marami ay dispalinghado ang disisyon ng Court of Appeals.
Ito ang ipinaglalaban ni So sa inihaing motion for reconsideration. Inirereklamo din ni So ang biglang pagtigil ng BAR sa pagbayad ng overtime pay base lamang sa disisyon ng CA na puwede pang iapela hanggang sa Supreme Court. Sabi nga ni So, hin di pa final at executory ang desisyon, bakit nagkakandarapang gustong ipairal agad ng BAR yung pasya ng CA?
May balitang kamaka-ilan ay pumayag na ang mga dayuhang airline na magbayad na ng overtime. Pero eto ang siste — ang gusto lang nilang bayaran ay 50% ng kasalukuyan nilang ibinabayad o P12.50 kada dolyar. Parang talagang nang-aasar kaya kumukulo na naman ang kukote ni Collector So sa gawaing ito ng mga makapangyarihang airline.
Ang nakapagtataka ay kung bakit dito sa ating bansa lang sila umaangal samantalang sa Estados Unidos, Hongkong, Singapore at iba pang bansa, tameme sila at sinusunod ang mga patakaran doon na katulad din ng sa Pilipinas.
Kaya kahit mabigat ang kalaban, sana’y huwag bumigay si So na nabansagan nang makabagong Don Quijote. So-gud, mga kapatid!.