EDITORYAL - Puro banta na lang ba sa Abu Sayyaf?
NOONG panahon pa ni dating President Estrada (1998-2000) kung saan ang Armed Forces chief ay si Angelo Reyes, binabantaan ang Abu Sayyaf. Naglunsad ng pakikipaggiyera si Estrada at Reyes sa mga terorista pero walang nangyari. Pawang banta lang ang nangyari. Nang maupo si President Arroyo noong 2001, ganundin ang nangyari, pawang pagbabanta rin sa teroristang grupo. At maaaring pagbabanta rin ang gagawin ng susunod na Presidente ng Pilipinas sa 2010. Kakasawa na ang ganito. Lagi pa namang sinasabi ng AFP na wala pang isang libo ang miyembro ng Sayyaf. Sinabi rin nila noon na umiikli na ang tinatakbuhan ng mga ito at sa lalong madali ay mauubos sila.
Noong Nobyembre 12, 2000 sinabi ni AFP chief of Staff Gen, Angelo Reyes, hindi na aabutin ng Pasko ang Abu Sayyaf. Kakahiya ang pagbabantang gina-wa ni Reyes noon sapagkat marami pang Pasko ang naranasan sa kamay ng mga walang kaluluwang grupo. Maraming ransom money ang nakuha ng gru-po hindi lamang sa mga sibilyan sa Sulu at Basilan na kanilang kinikidnap kundi pati na rin sa mga dayuhan. Nangidnap sila sa Sipadan, Malaysia at sa isang resort sa Palawan. Dolyar ang kanilang hinihingi.
Kapag hindi naibigay ang ransom money, pinupugutan nila ng ulo ang bihag. Una nilang pinugutan ay ang Amerikanong si Guillermo Sobero noong 2002. Sumunod ay ang dalawang lalaking guro na ang mga ulo ay kanilang ikinalat pa sa palengke sa Basilan. Noong Linggo, isang lalaking principal sa Kanague Elementary School sa Patikul, Sulu ang kanilang pinugutan. Ang ulo ni Gabriel Cañizares ay inilagay sa isang bag at saka iniwan sa tabi ng gasolinahan. Hindi umano naibigay ang hinihinging ransom na P2-milyon kaya pinugutan ang principal. Kinidnap ang principal noong Oktubre 19, 2009 habang nakasakay sa isang pampasaherong jeepney pauwi na galing sa school.
Ipinag-utos ng Malacañang ang pagtugis sa mga Abu Sayyaf na namugot kay Cañizares. Sabi ng AFP hindi sila titigil hanggat hindi nahuhuli ang mga pumugot. Hindi ba’t ganito rin ang direktiba sa mga nakaraan? Wala na bang ibang maririnig sa kanila. Kung talagang kakaunti na lang ang teroristang grupo ay bakit hindi maubos o mapulbos.
Pagtutulung-tulungan nang durugin ang Abu Sayyaf. Kung ang solusyon ay ang pagdadagdag ng puwersa ng military at pulisya sa Basilan at Sulu bakit hindi gawin. Hindi na nararapat ang banta o pananakot sa grupong ito, dapat ay aksiyon na kanilang ikadudurog.
- Latest
- Trending