Babangon ang Pinoy
Si Ondoy, si Pepeng at saka si Ramil
ang sa ating bansa’y nagdulot hilahil;
Pero sa totoo’y tayo ang nagtaksil –
kaya itong langit ay biglang naningil!
Niloob ng langit tayo ay bahain
upang ipamukhang tayo ang salarin;
Ito’y isang leks’yong dapat na alaming
Inang Kalikasan di dapat sirain!
Ang basura’t duming ating itinapon
sa ilog at dagat nagbalikan ngayon
Kung kaya ang tubig ng ulang bumalong
naging mga bahang maraming nilamon
Nalubog sa baha tao at tahanan
at di rin naligtas mga kabukiran;
may mga lupa pang biglang nagbagsakan
kaya nawasak din tulay at lansangan!
Sa mga probins’ya’t malayong barangay
sinira ng baha ang lahat ng bahay;
Hindi rin naligtas ang maraming buhay
nang maraming tao, hayop at halaman!
Kaya itong bansa ay hilahod ngayon
dahil sa nagdaang sungit ng panahon;
Kabuhayang bansa na dapa na noon
Ngayon ay lalo pang hirap na bumangon!
Sa nangyaring ito’y pag-asa na lamang
ang dapat hintayin nitong sambayanan;
Tayo ay umasang sa kinabukasan
tayo ay babango’t buhay ay iinam!
At bakit nga hindi’y mayr’ong dumarating
na mga biyayang sa langit din galing;
Mga kawanggawa’y kumikilos na rin
na ang dala’y tulong sa mga may problems!
Gobyerno’y pribado ngayo’y magkatuwang
na ang nasalanta ay tinutulungan;
Ang lahat ng sector nitong pamayanan
hindi humihinto sa pagdadamayan!
- Latest
- Trending