Pang-aabuso sa Parliamentary immunity
KAPAG nagsiwalat ng anomalya ang isang mamba-batas sa privilege speech, hindi siya ubrang idemanda ng inaakusahan dahil sa parliamentary immunity. Mabuti sana ito pero naabuso. Ngayong nalalapit na ang eleksyon, ang bulwagan ng Senado at Mababang Kapulungan ay nagiging forum ng mga paninira sa mga potensyal na kalaban sa politika. Tingin ko’y hindi patas ito.
Isang halimbawa dito yung natalakay ko noong Oktubre 14 hinggil sa mga alegasyon ng corruption ni Parañaque Rep. Ed Zialcita laban sa Mayor ng Parañaque na si Florencio Bernabe na inisa-isa niya sa isang privilege speech. Nang hingan ko ng panig si Bernabe, ang ibinigay niya sa akin ay isang lumang sulat mismo ni Zialcita na umaabsuelto sa mayor sa mga kasong ipinaparatang ngayon sa kanya. In other words, puro rehashed na alegasyon ito na binubuhay lang ngayon dahil, siguro, balak tumakbo sa pagka-mayor ni Zialcita sa lungsod.
Ayaw ko sanang mag-akusa kay Zialcita na umabuso sa immunity privilege. Pero nakita ko mismo ang sulat niya na nalathala ko na sa kolum na ito. Kung well-meaning ang nag-aakusa sa isang public official, dapat at marangal na gawin ay mag-file ng kaso sa ombudsman kung may ebidensya.
Nagkibit balikat lang si Mayor at sinabing alam ng mga mamamayan ng Parañaque ang tama at nauunawaan nilang ito’y politically motivated. Sana’y hindi na lang dumiskarte ng ganyan si Zialcita na personal ko rin namang kakilala. Nakakabawas kasi ng integridad.
Dapat sa mga politiko natin ngayon ay pagtuunan ang mga tunay na isyu. Ipakita at patunayang mas magaling sila sa ibig nilang kalabanin sa halip na patunayang palpak ang kanilang katunggali sa paghabi ng mga akusasyong walang basehan.
Sabi nga ni Mayor, ang campaigner niya ay ang sarili niyang nagawa at hindi niya estilo ang mambato ng putik sa kalaban. Ipinagmamalaking accomplishment ni Bernabe ang “Save Parañaque River” project na sinimulan niya noon pang 1999. Patuloy ang dredging sa ilog at na-control ang pagdagsa ng mga squatters dahil sa programang ito.
- Latest
- Trending