Pagpuksa ng corruption dapat maging prayoridad
KAHIT sino pa ang maging susunod na Pangulo ng bansa, dapat gawing prayoridad ang pagsugpo sa graft and corruption. Huwag isiping wala nang pag-asa ang bansa. Babangon din tayo if we make the right choice come 2010.
Kung nawawalan na kayo ng pag-asa, huwag tataas ang kilay! Ayon sa isang anti-graft expert na taga Hongkong masusugpo pa may pag-asa pa. Ani Tony Kwok, umangat ang Hong Kong dahil sa determinasyong masupil ang katiwalian. Si Kwok ang tagapayo ni Presidente Arroyo laban sa korupsyon. Aniya epektibo ang pagbaka sa katiwalian kung makikipagtulungan ang bawat sektor ng lipunan. Kasama na riyan ang publiko na dapat maging vigilant sa implementasyon ng mga stratehiya laban sa pangungurakot. Kung minsan kasi, ang mga tao pa mismo ang nanunuhol para mapadali ang nilalakad nila sa pamahalaan. Dapat nang matapos ang kulturang ito.
Nagsalita si Kwok sa seminar-workshop ng Presidential Anti-Graft Commission (PAGC) sa University of the Philippines – National College of Public Administration and Governance kamakailan. Tinanong ni Kwok ang bawat participants kung ano ang mungkahi nila sa sari-saring situwasyon ng katiwalian.
Hinimok naman ni PAGC chief Secretary Constancia P. De Guzman ang mga delegado na isalaysay ang mga karanasan ng kanilang ahensya sa paglaban sa kurapsyon. Ang corruption prevention ay isa sa apat na pa-ngunahing stratehiya na bumubuo sa Integrity Development Action Plan (IDAP), ang pambansang panuntunan sa pagsugpo sa pangungurakot.
Ang implementasyon ng IDAP ay sa bisa ng Administrative Order 255 ni Pangulong Arroyo. Obligado rito ang mga pinuno ng mga executive departments na manguna sa moral renewal sa kani-kanilang mga ahensya.
Maraming aktibidad kaugnay nito ang idinaos. Kabilang dito ang pulong sa Malacañang ng 358 na kinatawan ng iba’t ibang ahensya upang suriin ang kanilang mga nagawang pagbabago, magtakda ng mga adhikaing resulta at taning sa kanilang mga pagkilos, at tumangkilik ng isang pangkalahatang sistema ng pagsubaybay at pagmamatyag sa kanilang mga gawain.
- Latest
- Trending