NAGIMBAL ang mga residente ng Barangay 76-A Bu cana dito sa Davao City dahil nga sa biglang pagsulpot kamakailan lang ng mga tinatawag na “Latigo Gang” na nanlalatigo ng mga kahit sinong tumatambay sa may seawall ng lugar lalo na pag lumagpas na ng hatinggabi.
May tatlumpung biktima na rin ang nasabing ‘Latigo Gang’ na kung saan ay naka-convoy ng apat na motorsiklo tuwing sila’y umaatake pagdating ng hatinggabi.
Naka-bonnet pa nga ang mga suspects na may dala-dalang mga latigo. Para nga silang si Zorro, the masked man, hindi nga lang espada ang gamit nila.
May mga marka ng tama ng latigo ang mga likod ng mga biktima na naging malaking katanungan sa kanila kung sino nga ba itong mga nasa likod ng ‘Latigo Gang’.
Karamihan sa mga biktima ng ‘Latigo Gang’ ay mga bata at mga teen-ager na tumatambay sa may seawall ng Barangay Bucana.
Napag-usapan nga sa barangay na ang pakay daw ng ‘Latigo Gang’ ay habulin ang mga kabataang nasasangkot sa mga riot sa barangay. Kaya nga raw nanglalatigo ang mga nasabing naka-bonnet na hindi kilalang mga suspects upang makakasiguro na mananatili sa loob ng mga bahay nila ang mga kabataan sa Barangay Bucana.
Kapansinpansin na pagkatapos ng sinasabing Davao Death Squad vigilante group na sinasabing nasa likod ng extra-judicial killings dito sa Davao City, lumabas naman itong ‘Latigo Gang’.
Baril ang ginagamit ng vigilante group sa pagpatay ng kanilang mga biktima at ito ay sinundan din ng pag-gamit ng patalim sa may ibang kaso ng patayan dito.
At eto, sumunod nga ang ‘Latigo Gang’.
Inutusan na ng Sangguniang Panglungsod ang Davao City Police Office na imbestigahan ang insidente ng ‘Latigo Gang’.
Kailangan ding kumilos ang Commission on Human Rights upang alamin ang puno’t dulo ng ‘Latigo Gang’ na ito.
Inaasahang may resulta ngang lalabas sa mga imbestigasyong gagawin at hindi mahuhulog sa walang katapusang alibi ng mga otoridad na walang kasong maisasampa dahil walang witnesses na lumalantad gaya na lang sa mga nakaraang kaso ng summary killings dito sa timog Mindanao.