KAILANGANG iligtas ang sarili para hindi makasuhan sa malagim na pangyayari. Ganyan ang nangyayari pagkatapos ng trahedya. Yung mga taong sangkot sa nangyaring trahedya ay kanya-kanyang lusot. Kanya-kanyang turo. Bahala na kung ano ang kalabasan basta mailibre lang ang sarili at hindi maparusahan. Karaniwan nang ganito ang nangyayari sa Pilipinas pagkatapos ang malalagim na insidente.
Katulad na lamang nang nangyaring pagbaha sa maraming probinsiya sa hilagang Luzon na ang sinisisi ay ang pagpapakawala ng tubig sa San Roque Dam. Grabeng naakpektuhan ang Pangasinan kung saan maraming ari-arian ang napinsala. Ang mga tulay ay nahati at ang mga kalsada ay nabura. Maraming tao ang nagulat nang biglang tumaas ang tubig. Karamihan ay nagpuntahan sa bubong ng kanilang mga bahay para hindi matangay ng agos. Kailangang gumamit ng rubber boats at helicopter para mailigtas ang naipit sa rumaragasang agos. Ang sinisisi sa biglang pagbaha sa maraming bayan ay ang bigla-bigla at walang babalang pagpapakawala ng tubig sa San Roque Dam.
Kamakalawa, ipinatawag ng Senado ang mga opisyal ng San Roque Power Corporation at National Power Corporation (Napocor) para pagpaliwanagin sa pagbaha na ang dahilan ay ang walang babalang pagpapakawala ng tubig. Nakatikim ng mura mula sa mga senador ang mga opisyal ng dalawang ahensiya. Pero balewala ang galit ng mga senador sapagkat wala rin namang napala kahit na pinatawag ang mga opisyal ng San Roque Dam at Napocor. Wala ring kinahinatnan. Parang agos lang ng tubig na nawala rin.
Nagturuan ang mga opisyal ng dalawang ahensiya. Iniligtas lang ang kanilang sarili. Walang may kasalanan. Pero matibay ang paniniwala na kaya nagkaroon ng grabeng baha ay dahil nga walang babala na magpapakawala ng tubig. Sinabi ni Pangasinan Gov. Amado Espino na nakatanggap lamang sila ng abiso sa San Roque Dam na magpapakawala ng tubig habang nasa kasagsagan na ang pag-ulan at umaapaw na ang tubig sa kanyang probinsiya. Kung kailan puno na ng tubig ang probinsiya saka ipapasyang buksan ang dam. Ang resulta, nalubog ang probinsiya. Maski ang mga lugar na hindi binabaha ay nalubog.
Dapat pang laliman ng Senado ang imbestigasyon sa pangyayari para malaman kung sino ang tunay na may kasalanan. Hindi ito dapat mabalewala at baka maulit na naman ang nangyaring pagbaha.