TATAKBO sa pagka-mayor ng Parañaque si Rep. Ed Zialcita. Jamming partner ko siya nang tumugtog ang kanyang banda sa National Press Club of the Philippines. Pag-awit ang kanyang hilig bukod sa politika.
Kamakailan sa kanyang privilege speech, sari-saring katiwalian ang inihataw niya laban sa kasalukuyang Mayor ng Parañaque na si Mayor Jun Bernabe. Para sa patas na pamamahayag, kinunan ko ng panig si Mayor Bernabe. Binigyan ako ng mga dokumento ni Mayor kasama ang isang sulat ni Zialcita na kumukuwestyon sa isang litanya ng mga iregularidad sa lungsod. Sabi sa’kin ni Mayor, “ikaw na ang bahalang mag-analyze. Hindi na ako magpapaliwanag.”
Noon pang Enero ng nakaraang taon nangyari ito. Sumagot si Bernabe sa Kongresista at nagpaliwanag sa isang sulat.
Tumugon muli si Zialcita noong Pebrero 16, 2008 na umaabsuwelto pa kay Mayor sa mga naunang alegasyon. Anang bahagi ng sulat: “I am therefore glad to inform you that in a detailed-first installment report recently submitted by the lawyers tasked with investigating the veracity of these claims, they have found no irregularities in several of the more serious allegations brought to this office”.
Kung sadyang walang political motive, nakapagtataka kung bakit nagpasabog ng “bombshell” si Zialcita na bagamat may mga bagong paratang ay naroroon pa rin ang karamihan sa mga naunang alegasyon niya na siya mismo ang umabsuwelto kay Bernabe, tulad ng nakalahad sa kanyang sulat.
Kulang tayo sa espasyo upang ilintanya ang mga alegasyon pero kasama riyan ang mga iregularidad sa garbage collection, mga ilaw sa poste sa lungsod na umano’y overpriced, anomalya sa internal revenue allotment (IRA) at ang sinasabing “gang of five” na kumokontrol sa mga transaksyones sa lung sod.
Bagamat walang sinabi si Zialcita sa sulat na absuwelto si Bernabe sa lahat ng mga bintang, bakit tila binubuhay niya yung mga naunang alegasyon na siya mismo ang nag-absuwelto sa Mayor sa pagsasabing walang naki- tang iregularidad ang mga abogado niyang nagsiyasat?
Dahil sa balak niyang pagtakbo sa pagka-mayor, nag-iisip tuloy ang iba na ito’y isang demolition job para magka-roon ng political advantage si Zialcita pagdating ng eleksyon. Naniniwala ako na kung sino ang nasa tama ay lulutang sa mata ng tao na marunong mag-isip at magsuri.