Hulog ng langit
NOONG panahon ni Moses, kaligtasan ang binabagsak ng kalangitan sa anyo ng tinapay. Sa panahon nina Ondoy at Pepeng, kamatayan naman ang dala ng ulan na dinaig pa ang delubyo ni Noah.
Marami ang nasorpresa sa hagupit ng mga bagyo at sa dala nitong baha at landslide. Mga kababayang inabutan sa kanilang kinatutulugan, mga naghahapunan, nagpapahinga. Walang kamuwang-muwang na iyon na pala ang huli nilang mga sandali sa mundo. Bilang pag-unawa sa kamalasang natamo, karaniwang bukambibig ng Pilipino ang mga katagang “Kanya-kanyang panahon iyan. Kapag oras mo’y oras mo na.”
Bilang isa sa mga nakaligtas sa epekto ng bagyo (abot alulod lang ang baha sa amin), hindi ko gaanong inintindi ang kapritso ng kapalaran hanggang sa akin mismo nangyari. Kahapon, lulan ng sasakyan patungong opisina, laking malas nang nabagsakan ito ng kapirasong konkreto habang binabaybay ang Meralco Avenue, Ortigas Center. Doon ako inabot sa gilid ng tinatayong higanteng gusa ling ONE CORPORATE CENTER na pag-aari ng Amberland Corporation. Sa lakas ng “impact”, halos napatalsik sa kinauupuan. Wasak ang windshield ng sasakyan.
Halos madulas akong tumakbong palabas, ninenerbiyos na baka masundan pa. Naalala agad ang nabagsakan ng “Crane” sa kalapit na Topaz Road na muntik nang ikamatay ng isang mag-ina. Sa salaysay ng mga nakasaksi, nagmula sa itaas iyong nahulog na bato. Maliit pa sa itlog ng manok subalit kasing deadly ng bala.
Mabilis ang naging responde ng traffic and security brigade ng Bgy. San Antonio sa ilalim ni Chief Glenn Rodriguez at sa pangunguna nina Officers Jerome Blando at Joenel Clemente. Siniguro muna nilang wala nang peligro para sa iba pang dumadaang tao’t sasakyan. Nirekord nila nang maayos ang kaganapan bago nila ako sinamahan sa ONE CORPORATE CENTER upang ipagbigay alam ang nangyari sa mga may-ari o kontratista ng gusali.
Laking gulat ko na imbes na humingi ng paumanhin sa aming sinapit at dispensa kung mapatunayang may pagkuku-lang, ang sinalubong ng nagpakilalang kinatawan ng may-ari ay tatlong H. Hugas-kamay, Hinala at Hamon. At nagpakilala pang may kamag-anak sa Munisipyo.
Hindi dito matatapos ang yugtong ito. Subalit may aral nang mapupulot: Walang pinipiling tao o oras ang malas. At hindi lahat ng hulog ng langit ay suwerte!
- Latest
- Trending