EDITORYAL - Hindi kaya nasasagpang ng buwaya ang calamity funds?

HINDI masisisi ang taumbayan na magduda sa gobyerno kapag usapin sa pondo ang pag-uusa­pan. Sa grabeng corruption na nangyayari sa bansa iniisip ng taumbayan o taxpayers na sa bulsa ng mga kurakot lamang napupunta ang pondo. Imagine, pati mga American businessmen ay nanga­ngam­ba na sa grabeng corruption sa bansa. Urung-sulong na sila kung mag-iinvest dito.

Maraming nawawalang pondo at pinagdudu-    da­hang nabuslo na sa bulsa ng mga kurakot. Isa na riyan ang nawawalang bilyong pondo mula sa     Road Users’ Tax. Si Sen. Miriam Defensor-Santiago ang naka­buking sa nawawalang pondo. Ang Road Users’ Tax ay ginagamit para sa pagsasaayos ng mga sira-sirang kalsada, pagbili ng traffic lights at road signs. Hindi raw titigil si Santiago sa imbesti­gasyon sa Road Users’ Tax.

Pero bukod sa Road Users’ Tax, kontrobersiya rin ang tungkol sa amusement tax. Hinahanap din ito. Ang amusement tax ay nakalaan naman para gamitin sa flood control. Pero nang manalasa si Ondoy noong Setyembre 26, 2009, nakita ang hubad na katotohanan na walang proyekto sa flood control. Kung may flood control project, sana hindi nag­baha nang grabe sa Marikina, bahagi ng Quezon City, mga bayan sa Rizal particular ang Cainta at ga­nundin ang mga bayan sa paligid ng Laguna de Bay. Hanggang ngayon, lubog pa ang maraming lugar sa Laguna at Rizal. Nasaan na ang amusement tax para gamitin sa flood control.

Ngayo’y ang malaking pondo naman para sa calamity funds ang tinatanong ng taxpayers. Paano nga ba ginagastos ng Office of the President ang cala­mity funds? Nang manalasa si Ondoy, hindi mala­man kung saan hahagilap ng rubber boats para aga­rang mailigtas ang mga taong nasa bubong. Maraming hindi na-rescue at nagtiis ng ginaw at gutom.

Ilang araw makaraang manalasa si Ondoy, sinabi ng Malacañang na kailangang magkaroon ng P10-bil­lion supplemental budget para gamitin sa mga napin­sala ng bagyo. Maraming pumalag, hindi na dapat humiling ng P10-billion supplemental budget sapag­kat sobra-sobra na ang naka-insert sa 2009 budget.

Nakapagdududa na kung paano ginagastos ang calamity funds. Hindi kaya nasasagpang na ito ng mga “buwaya”? Hindi kaya napupunta ito sa bulsa ng pulitiko para gamitin sa kanilang pangangam­panya? Nararapat bantayan ang calamity funds.

Show comments