NAKABABAHALA ang sunud-sunod na reklamong dumarating sa aming tanggapan hinggil sa mga kasong hulidap.
Ito ‘yung mga kaso at uri ng modus kung saan nanghuhuli ng mga inosenteng tao ang ilang pulis subalit hinihingian lamang ng pera ang kanilang mga huli kapalit ng kalayaan.
Ang biktima ng mga abusadong otoridad, mga simpleng taong walang kalaban-laban. Mga nilalang na may simpleng hanapbuhay tulad ng pamamasada at pamamasukan ang napagtitripan.
At oras na mabiktima ka ng mga pulis-hulidap na ito, ang kanilang panakot na kaso, paglabag sa Republic Act 9165 o Dangerous Drug Act na may parusang habambuhay na pagkabilanggo. Ang ipinagtataka ng BITAG, bawat operasyon ng sinumang otoridad laban sa droga, kinakailangan ng koordinasyon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Ang PDEA ang tanging ahensiya ng gobyernong otorisado at eksperto sa mga operasyong ginagawa sa buong bansa sa pagsugpo sa droga tulad ng buy-bust, entrapment at drug-bust operations. Sa sistemang ito, tinatawagan ng BITAG ang atensiyon ng PDEA na maging istrikto at mabusisi sa mga operasyong may kinalaman sa droga.
Kung dati-rati, sa Metro Manila lamang maririnig ang mga ganitong sumbong, ngayon pati sa mga probinsiya ay may mga reklamo’t sumbong na natatanggap ang BITAG sa mga panghuhulidap.
Lingid sa kaalaman ng PDEA, sarili nilang mga kabaro, ‘yung papeles na tinatawag na pre-op at coordination ay napepeke ng mga ilang putok sa buhong pulis na nagsasagawa ng hulidap.
Dahil sa huli, mga pobreng biktimang walang kasala-nan ang kawawa. Dalawa lamang ang kanilang kahahantungan, kung may pera, magbayad upang makalaya.
Kung walang pamba-yad sa kapritso ng mga pulis-hulidap mabulok sa bilangguan. Subalit hindi pa dito natatapos, dahil kung sakaling nakapagbayad ka sa unang pagkahuli, asahang may pangalawa, pangatlo at pang-apat pang magaganap na panghuhuli. Dahil mas piniling magbayad ng biktima, nawili ang mga pulis hulidap kaya binalikbalikan ang kanilang huli.
Kumusta naman kaya ang kampanya ng Philippine National Police laban dito. Sa kabila ng pagsasaayos at pagbibihis na ginagawa ni Gen. Jesus Versoza sa PNP ay lalong dumudungis ang kanilang imahe dahil sa mga kasong ganito. Imbes na mabawasan, eto ngayon, patuloy na nadadagdagan.
Mga biktima na ang nagsasalita.