Kahit na dinaanan na ng delubyo, nakangiti pa rin ang mga Pilipino. Mapapansin sa mga kuhang retrato at video ng mga taong napinsala ng bagyong Ondoy sa Marikina, Cainta, Pasig, Quezon City na nakangiti pa rin kahit nakalubog sa hanggang dibdib na tubig. Mayroong nakasakay sa mga improvised na balsa na nakangiti pa rin kahit na hindi nila alam kung saan sila patungo dahil sinira ni Ondoy ang kanilang tahanan. May mag-asawang negosyante sa Marikina na nawasak ang tindahan na nakangiti pa rin kahit na wala na silang pagkakakitaan. Ayon sa kanila, magsisimula silang muli. Babangon silang muli kahit na natangay na ni Ondoy ang kanilang kaunting kabuhayan.
Maski ang mga sundalong Amerikano na tumulong sa rescue operation ay sobrang napahanga sa mga residente sa Marikina at San Ma-teo, Rizal sapagkat tila raw balewala sa mga biktima ang nangyaring baha na umanod sa kanilang mga tahanan. Isang team ng mga sundalong Kano na kinabibilangan ng mga doctor, nurses at dentists ang isang linggo nang tumutulong sa mga nabiktima ni Ondoy. Una silang nagtungo sa Nangka, Marikina at ginamot ang mga taong nagkasakit dahil sa baha. Maraming bata na nagkasugat sa paa at binti ang kanilang ginamot. Karamihan sa mga tao ay nasa evacuation centers. Mahigit 200 katao ang namatay dahil sa bahang idinulot ni Ondoy. Kahapon, tumama naman sa Northern Luzon ang bagyong si Pepeng.
Sabi ng mga Amerikano nakukuha pang ma-kipag-“high fives” ng mga Pinoy sa evacuation centers sa kabila ng teribleng kalamidad na tumama sa kanila. Pambihira anila ito. Ngayon lang daw sila nakakita ng mga taong hindi pinuproblema ang mangyayaring bukas.
Tama ang mga Kano. Kakaiba ang mga Pinoy kahit sinalanta ng kalamidad. Nakangiti pa rin at handang harapin ang mga hamon ng buhay. Kahit na ilang beses pang hagupitin ng bagyo, nakatayo pa rin at laging nakangiti.