David and Goliath
BAGYO sa Manila, lindol sa Sumatra. Sa isang World Bank report, pinangalanan ang Pilipinas at Indonesia na nasa Top 5 “most disaster prone countries” sa buong mundo. Nasa rota ng mga bagyo, nasa earthquake belt, maraming aktibong bulkan, nasa tabi ng dagat. Taon taon ang kara niwang bilang ng bagyong bumibisita ay halos 20. At mas madalas maglindol kaysa karaniwang bansa sa Asia.
Ang ganitong mga statistic ang nagsasabing gastusan na ng malaki ang ating mga struktura sa pag-iingat sa kalamidad. Ang Ondoy ay pagsubok ng kalikasan na hindi talaga matatakasan. Tutoo. Subalit maging ang pinakamabagsik na kalamidad ay maaring pagaanin ang epekto.
Mitigation, Preparedness, Response and Recovery. Malaki ang maitutulong ng mas sopistikadong weather predictive equipment para sa PAGASA at ng mas pinalawig na pakikipag-ugnayan nito sa mga LGU. Pagdagdag ng mas maraming dam at floodway at ang paghigpit sa pagtayo ng bahay sa mga daanan ng tubig. Damihan ng mga coastal, lakeside at riverside LGU ang kanilang mga rescue boats, amphibians, trucks. Sa relief naman, kahit nandyan ang kultura ng bayanihang Pinoy, kailangan nangunguna lagi ang pamahalaan sa paghatid kalinga. Ang mga evacuation plans, emergency response, stockpiling ng supplies ay dapat malinaw din. Pag-aralan ang lahat ng ito, pati na rin ang tamang land use-planning at maging ang pagkuha ng Insurance laban sa kapritso ng kalikasan.
Siempre hindi sapat kung walang kasabay na (a) training sa mga magiging kawani ng emergency management efforts at (b), mas mahalaga, ang edukasyon mismo ng mamamayan nang hindi makadagdag sa paglala ng sitwasyon.
Noong Lunes, nasaksihan natin ang hirap ng pagpasok ng rescuers sa Cainta, Marikina at iba pang apektadong lugar. Mga malaking Zo-diac boats na lulan ay ekspertong Coast Guard ay napataob ng agos ng rumaragasang baha. Lunes na iyon! Paano pa kaya noong Sabado at Linggo? Naunawaan na ng magagaling na miron ang tindi ng sitwasyong hinarap ng NDCC, PDCC at CDCC. Siguro’y nagbago na rin ang pagtingin sa mga magiting na frontliners na walang pa-god na dumepensa sa higanteng Ondoy kahit pa hamak na patpat lang ang hawak.
Sa darating pang mga pagsubok, dapat ay masiguro na ang ating mga mandirigma ay mabigyan ng mas epektibong sandata imbes na ulanin sila ng hindi napapanahon at hindi makatarungang panunumbat. Kahit pa man si Goliath ay kakayaning talunin ng isang maliit subalit may wastong armas na David.
- Latest
- Trending