NAKIUSAP sa pastor ang babae na makidasal sana sa maysakit na Itay. Sa bahay ng mag-ama dinatnan ng pastor ang Itay sa kama, nakasandal sa mga unan. May bakanteng silya sa tabi ng kama. Inaasahan ng Itay ang pagbisita niya, naisip ng pastor. Pero hindi alam ng Itay kung sino siya’t ano ang pakay. Nagpakilala ang pastor at nagsabi, “Napansin ko kasi itong bakanteng silya, kaya akala ko alam niyong dadalaw ako.”
“A, ang silya pala,” nabatid ng Itay, saka bumulong sa bi-sita: “Wala pa akong pinagsasabihan nito, miski anak ko,” anang Itay sa nagtatakang pastor. “Sa buong buhay ko’y hindi ako natutong magdasal. Sa simbahan malimit bang gitin ng ministro ang pagdadasal. Pero walang talab sa akin.”
Nagpatuloy ang Itay: “Isang araw sinabihan ako ng kaibigan, ‘Pare, ang pagdasal ay kasing simple ng pakikipag-kuwentuhan kay Hesus. Payo ko: Umupo ka sa silya; maglagay ng isa pang upuan sa harap mo; manalig kang nariyan si Hesus kasama mo. Pangako Niya na lagi tayo sasamahan. Kaya kausapin mo Siya na parang kinakausap mo ako ngayon.’ Sinubukan ko nga, nagustuhan ko, natutunan kong gawin dalawang oras araw-araw. Nag-iingat nga lang ako na huwag makita ng anak ko, dahil baka isiping nahihibang na ako kaya nakikipag-usap sa bakanteng silya.”
Na-touch ang pastor sa kumpisal, at pinayuhan ang Itay na ituloy ang kakaibang paraan ng pagdadasal. Binendisyunan niya siya ng holy oil, at bumalik sa simbahan.
Makalipas ang dalawang gabi ibinalita ng babae sa pastor na patay na ang Itay nu’ng hapon. Tanong agad ng pastor kung mapayapa siyang pumanaw? Tumango ang babae: “Tinawag niya ako sa kuwarto, hinalikan sa magkabilang pisngi, at sinabing mahal ako. Pagbalik ko mula sa botika makalipas ang isang oras, wala na siya. Meron akong hindi maintindihan. Tila bago siya malagutan ng hininga, pilit niyang idinantay ang ulo niya sa sil-ya sa tabi ng kama. Bakit po kaya?” Hindi agad nakasagot ang pastor, napa- luha lang at naisip na sana lahat tayo ay gan’un aalis sa mundo.