MAS maganda kung sa korte na nga magtuos si Sen. Panfilo Lacson at dating President Joseph Estrada para naman ang Senado ay magampanan ang mga mahahalaga ring bagay na ang kasangkot ay pera ng taumbayan. Naipahayag na naman ni Lacson sa publiko ang tungkol sa mga ginawa ni Estrada sa panunungkulan nito at nakasagot na rin naman ang anak ng dating presidente sa mga pahayag, siguro sa Korte na lang dalhin ang lahat. Sensitibo na ang isyu sapagkat may kaugnayan na sa mga pagpatay ang tinatalakay.
Isa sa mahalagang dapat imbestigahan ng Senado ay kung saan napunta ang P42-bilyong Road Users’ Tax na nadiskubre kamakailan ni Sen. Miriam Defensor-Santiago. Ang Road Users’ Tax ay sinimulang kolektahin noong 2001. Kinukolekta ito sa bawat sasakyang inirerehistro sa Land Transportation Office (LTO). Ang Road Users’ Tax Board na nasa ilalim ng Office of the President ang namamahala sa kinokolektang buwis. Umano’y kasama sa Road Users’ Tax Board ang secretary ng Department of Public Works and Highways at ang mga miyembro ay ang secretary ng Department of Transportation and Communication at dalawang nominees na nagre-represent para motorists at transport groups.
Kinokolekta ang tax para gamitin sa pagmimintina o pagpapaganda ng mga kalsada, pagkontrol sa pollution, pambili ng mga road guard railings at mga safety devices para hindi maaksidente ang mga motorista. At ayon sa Commission on Audit (COA), mula 2001 hanggang 2008, ang kabuuang halaga ng Road Users’ Tax na nakolekta ay P42-billion. Ayon kay Santiago, binalaan na noon pa ng COA ang Road Users’ Tax Board na ang pera ay para sa road infrastructures at hindi para sa local government units. Ayon sa COA report, noong 2007 may napabalitang anomalya at kasangkot umano ang kapatid ng isang Cabinet official na nakaupo noon sa Road Board.
Halukayin kung saan napunta ang P42-billion? Pera ito ng taumbayan kaya dapat malaman kung saan napunta o kung ano ang pinaggamitan. Mas mahalaga ito kaya dapat pagtuunan ng pansin ng Senado. Kapag hindi ito tinalakay ngayon, aabutin na naman nang mahabang break at malamang na hindi na maim bestigahan. Hanggang sa sumapit na ang election at mawawala na sa puwesto ang mga dapat managot. Bigyan ng prayoridad ang kontrobersiyang ito.