'Mga nagpapanggap na hotel'

(Ika-apat na bahagi)

NUNG MIYERKULES inilathala ko ang Cease and Desist Order na ipinadala ni Mandaluyong Mayor Benhur Abalos sa aming tanggapan sa pamamagitan ng kanyang Public Information Officer na si Jimmy Isidro kung saan maliwanag na ino-orderan ang Nice Hotel na matatagpuan sa Highway Hills, Mandaluyong City na ang may-ari ay ang mag-asawang Carlos at Betty Te ng Davao City sa ilalim ng kanilang korporasyon na ang Color Group Incorporated.

Magpahanggang ngayon habang isinusulat ko ang artikulong ito ang pinangako nitong si Renold Zenarosa na sasagutin nila ang mga inilabas namin dito ay hindi nakakarating sa aming tanggapan.

Nakatanggap kami ng impormasyon na binayaran na raw ng Nice Hotel ang kailangan upang mailabas ang “occupancy permit” subalit hindi pa rin pinipirmahan ni Mayor Abalos ang kanilang papel dahil daw sa mga batikos na inabot ng hotel na ito.

Dapat talagang suriing mabuti ang lisensyang ibibigay sa Nice Hotel dahil minsan ko pang sasabihin na sa Securities and Exchange Commission ang kanilang permit ay para sa isang apartelle at hindi hotel o umano’y motel!

Dapat na rin umaksyon ang SEC at imbestigahan kung bakit ang “paid up capital o amount subscribed” ay lubhang napakaliit para sa isang napakalaking korporasyon.

Ayon kay Engineer Crisanto “Cris” Roxas ang mga pirma sa likod ng assessment at applicant ng Nice Hotel ay hindi sa kanya o sa kanyang mga tauhan. Maliwanag na pineke daw ito.

Itinuturo ang isang Angel Cruz na siyang naglakad ng mga papeles ng Nice Hotel at ayon na rin kay Isidro sinibak umano itong si Cruz ni Mayor Abalos.

Ano naman ang gagawing parusa o “sanctions” nitong si Mayor Abalos sa Nice Hotel kung mapatunayang peke nga ang mga pirma sa kanilang mga papeles.

May nag-react din na hindi daw “qualified” itong si Engr. Roxas na hawakan ang pwesto bilang City Engineer dahil ito raw ay isang Electrical Engineer at batay sa Local Government at Department of Interior and Local Government Code (DILG) bawal ito. Totoo kaya ito? Magtatanong tayo kay DILG Sec. Ronaldo Puno. Ang lahat ng kasagutan sa isyung ito ay ibabalita namin sa inyo.

ANG SOGO HOTEL naman ay biglang ginulat tayong lahat ng magsulputan itong parang kabute sa Metro Manila at kumalat sa buong bansa.

Maganda ang mga taong nasa “advertising at marketing” division ng hotel chains (na maari din ang short time(?)) dahil sa lahat ng sulok, poste at mga pader makikita mong nakapaskil ang kanilang mga billboards.

Ginaya nila ang style ng Victoria Court motel. Kung saan makikita natin sa kanilang billboards ang isang babaeng nakalagay ang daliri sa kanyang bibig na parang nagsasabing “pssst pasok ka.”

“Ang alam ko pinirate ng Sogo ang mga empleyado ng Victoria Court at binigyan ng mas malaking sweldo para lumipat. Kaya naman parang nakuha na ang korona mula sa Victoria Court ng Sogo,” ayon sa isang maalam sa negosyo ng mga motel.

Ang kilalang may-ari ng Sogo Hotel ay si Fe Jimenez ang “appointments secretary” ni dating unang ginang Imelda Romualdez Marcos.

“Magandang tanungin mo Mr. Calvento kay Ms Jimenez kung sa mga Marcoses’ ba nanggaling ang kanyang puhunan at napakaraming hotel meron ngayon ang Sogo,” wika ng aking source.

Aming tinignan ang “official website” ng Sogo Hotel at nagulat nga kami sa dami ng kanilang mga hotel.

Meron sa Malate, Novaliches-Bayan, Pasay EDSA/Harrison, Pasay Rotonda, Quezon Avenue, Quirino Ave­nue, Quirino, Malate, Sta. Mesa, EDSA Cubao, EDSA Gualdalupe, EDSA in front of Trinoma, Imelda Avenue sa Cainta, LRT Monumento Station, Banawe Avenue, Cartimar Recto, Bacoor, Cavite, San Pedro, Laguna, Cebu City at ang malapit na ring magbukas ng mga branches sa Cabanatuan City, Dau-Mabalacat Pampanga at Bagong Barrio Caloocan.

Nakakalula ang ga-higanteng operasyon ng Sogo Hotel. Marami pa rito ay merong mga casino ng Pagcor sa loob ng kanilang building at siguradong limpak-limpak na salapi ang ipinapanhik ng mga ito sa Jimenez family.

Bakit naman pinayagan ni Bayani Fernando na magkalat ang kanilang mga billboards sa lansangan ng Metro Manila? Akala ko ba galit si wanna be President Bayani sa mga nag­papapangit ng kanyang Metro Gwapo. Hindi niya ba kayang pagbabaklasin ang mga billboards nitong Sogo Hotel na ito. Baka naman pinangakuan siyang susuportahan ng mga Jimenez ang kanyang kandidatura sa pagka presidente? Nagtatanong lang naman.

Sige Bayani upakan mo ang mga billboard ng Sogo. Ano na ang ginagawa ng bata mong si Bobby Esquivel? Busy din ba sa pagkakampanya bilang Mayor ng Norzagaray? Aba magtrabaho muna kayo.

Bakit hindi gawing panggatong ng ating mga mahihirap at pansapin sa kanilang likod kapag humihiga sila sa malamig na semento ang mga billboards at “signage’s” ng Sogo Hotel.

Dapat maturuan din ng leksyon ang Sogo Hotel na hindi kanila ang Metro Manila at mga key cities na basta na lamang ilalagay ang kanilang mga “signage’s.”

ABANGAN iba pang isisiwalat ko sa Nice at Sogo tungkol naman sa kanilang “unfair practices” kung paano umano nila kinukuha ang mga “discount cards” ng ibang ka kumpentensya nila at pinupunit umano para hindi na tangkilikin.

PARA SA ISANG patas at balanseng pamamahayag tinatawagan naming ng pansin ang mga opisyales ng dalawang hotel (motel ba?) para maibigay ang kanilang panig.

Para sa inyong reaksyon at sa mga gustong dumulog sa aming tanggapan ang aming mga numero, 09213263166 o sa 09198972854 at ang landline ay 6387285. Maari din kayo magpunta sa 5th floor CityState Center bldg., Shaw Blvd., Pasig City.

Email - tocal13@yahoo.com

Show comments