EDITORYAL - Kailan matitikman ang hustisya?
KATULAD nang pagkabigo na naranasan ng pamilya ni PR man Bubby Dacer at driver Emmanuel Corbito, ganyan din ang naranasan ng pamilya ng casino employee na si Edgar Bentain. Binigo rin ni Sen. Panfilo Lacson ang pamilya ni Bentain dahil wala namang nakitang liwanag sa siyam taon nang kaso. Nagpasabog si Lacson sa ikalawang pagkakataon noong Martes laban kay dating President Estrada. Pero walang nakuhang lead kung sino ba ang dapat managot sa pagkawala ng casino employee. Si Bentain ay dinukot sa harapan ng Pagcor casino na nasa Roxas Boulevard noong January 16, 1999. Mga sandatahang lalaki ang dumukot sa kanya. Mula noon ay hindi na nakita si Bentain. Si Bentain ang nag-leak ng video sa CCTV kung saan nakunan si Estrada at Atong Ang na nagsusugal.
Sa privileged speech ni Lacson noong Martes, sinabi niya na sa kalaghatian ng January 1999, isang araw makaraang dukutin si Bentain sa isang lugar sa Roxas Boulevard at pinatay sa isang lugar sa Laguna, isang police officer na aktibo noong panahong iyon ang nagtungo sa Polk Street sa Greenhills at nagreport sa ginawang mission. Sabi raw ng may-ari ng bahay sa Polk Street, “Sige sabihin mo sa mga bata, maraming salamat.”
Hanggang doon lang ang sinabi ni Lacson kaya bitin pa rin ang pamilya Bentain sa tunay na nangyari sa nawalang kaanak. Ang tangi lang nasabi ni Lacson na nagbigay ng kaunting pag-asa sa mga Bentain ay nang sabihin nito na makaraang dukutin sa may Roxas Blvd, dinala ito sa isang lugar sa Laguna at doon pinatay. Paano raw naman kaya nalaman ni Lacson na sa isang lugar sa Laguna pinatay si Bentain.
Nagtungo sa Senado ang anak at mga kapatid ni Bentain para marinig ang mga pasabog ni Lacson ukol sa pagkamatay ng kanilang kaanak pero wala na silang narinig pang bago na maaaring mag-lead kung nasaan ang bangkay ng ama. Matapos ang pagsasalita ni Lacson, laglag ang mga balikat na umuwi na lamang ang mga kaanak ni Bentain. Hindi pa pala sila makakakamit ng hustisya. Patuloy pa pala silang maghihintay sa isang kasong pinagtuturu-turuan kung sino ang tunay na gumawa. Katulad ng mga kaanak ni Dacer at Corbito, tanong din ng Bentains’ kailan sila makakakamit ng hustisya.
- Latest
- Trending