EDITORYAL - Sunud-sunod na holdapan PNP ay sinusubukan
PAGSUBOK sa liderato ng Philippine National Police (PNP) ang sunud-sunod na holdapan na isinasagawa kahit kainitan ng araw. At sa aming palagay, masusundan pa ang mga nakawan lalo pa nga’t malapit na ang kapaskuhan. Isa pang malaking dahilan ay ang pagdaraos ng election sa May 2010. Malaki ang aming paniwala na gagamitin sa puli-tika ang mga nakukulimbat na pera. At hindi lang kokonting pera ang nakukulimbat sa mga esta-blishments na hinoholdap. Milyong piso na maaaring gamitin sa election.
Malaking hamon sa PNP ang mga nangyayaring nakawan. Dalawang linggo na ang nakararaan, isang establishments sa Pasig ang pinasok ng mga armadong kalalakihan na naka-police uniform at natangay umano ang milyong piso na nasa vault. Dahil naka-police uniform, pinapasok ng mga guwardiya pero nang nasa loob na, nagdeklara ng holdap at iginapos ang mga guwardiya. Hinalughog ang vault. Sinimot ang pera at mga personal na gamit ng guwardiya gaya ng cell phone at pera. Tumakas ang mga magnanakaw na ayon sa PNP ay ang “Alvin Flores Gang”. Hanggang ngayon hindi pa nahuhuli ang mga magnanakaw.
Noong Martes ng hapon, isang armored car ang hinoldap ng 10 hanggang 15 armadong kalalakihan. Ang armored car na nakaparada sa basement ng Waltermart sa Muñoz, Quezon City ay natangayan ng milyong piso na isinilid sa apat na duffle bags. Naganap ang panghoholdap ng alas-tres ng hapon. Ayon sa mga guwardiya, patungo na sila sa armored car na nasa basement parking kasama ang roving teller dala ang pera nang biglang sumulpot ang mga kalalakihan at pinaputukan sila. Nagkaroon ng putukan. May nahuling apat na suspects pero nakatakas ang iba pa tangay ang duffle bags ng pera. Isang Ford Expedition ang ginamit para makata- kas. Ilang sibilyan, kabilang ang isang dalagita ang tinamaan ng ligaw na bala.
Gaya ng aming sinabi, maaaring magkasunud-sunod pa ang mga holdapan. Masyadong malakas ang loob ng mga holdaper at maski sa loob ng mall ay isinasagawa ang pangungulimbat.
Malaking hamon sa PNP ang ginagawang pa-ngungulimbat. Ang pagbabantay ng PNP ay kinakailangan sa kasalukuyan. Pagsikapan din naman ng PNP na masamsam ang mga di-lisensiyadong baril. Dagdagan din ang checkpoints para masabat ang mga mangungulimbat.
- Latest
- Trending














