'Panlilinlang' (Last part)
KASAMA ang BITAG, inihain sa ikalawang pagkakataon ng mga inspector ng Engineering Department ng Quezon City ang cease and desist order sa pamunuan ng Oracle Residences sa Katipunan, Quezon City. Ang nasabing cease and desist order ay kautusang nagpapahinto sa tuluy-tuloy at kasalukuyang konstruksiyong sa dagdag na pitong palapag sa Oracle Residences.
Kahit na naibigay na ng Quezon City Hall ang unang cease and desist order noong Hulyo rin ng taong ito, naaktuhan pa nila ngayong Setyembre nitong nagdaang linggo ang walang tigil na paggawa sa nasabing gusali. Nagkaroon pa ng matensiyong eksena sa pagitan ng Quezon City Hall inspectors, BITAG at guwardiya ng gusali, hinarangan kaming makapasok sa bukana pa lang ng building.
At ng makaabot kami sa pinakapintuan ng reception area naka-lock na ito at hindi na pinapasok ang aming grupo.
Wala ding pumansin na tauhan ng Oracle residences sa katok ng katok ng mga inspector. Makikita ang mga ito na paikot-ikot lamang sa loob ng opisina, parang walang nakita. Imbes na humarap, magpaliwanag o sagutin ang reklamo laban sa kanila o tanggapin man lang ang papel na dala-dala ng city hall, nagtago, nambastos at dinedma ang mga otoridad na aming kasama.
Nang araw din na ‘yun, nakausap ng BITAG si Doc Al, ang nagrereklamo, subalit biglang nag-iba ang ihip ng hangin dahil nakikiusap na ito sa aming huwag nang panghimasukan at huwag ng ipalabas sa aming programa ang kanyang sumbong.
Napag-alaman ng BITAG na simula ng panghimasukan namin ang kanyang reklamo, agad daw nakipag-ayos ang pamunuan ng Oracle Residences sa kanya.
Baka daw mapurnada ang kanilang usapan. Subalit mas malaki ang responsibilidad ng BITAG sa kapakanan ni Juan dela Cruz.
Layunin naming matuto ang ating mga kababayan kung papaano resolbahin ang ganitong mga uri ng problema, kung sinu-sino at anu-anong ahensiya ang dapat lapitan at hingan ng tulong ng mga nasasangkot sa ganitong kaso.
Kung anong laban at magagawa ng mga apektado at naperwisyong tao sa mga nanlinlang sa kanila. Hindi lamang isang tao ang sakop ng aming imbestigasyon rito, eto ang idikdik n’yo sa kukote!
- Latest
- Trending