PINAG-USAPAN namin ng aking panganay na anak na si Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada, chairman ng Senate Committee on Labor, Employment and Human Resources Development at ng joint Congressional Oversight Committee on Labor and Employment, ang bagong 2009-2010 Global Competitiveness Index report ng World Economic Forum (WEF).
Ang Index ay ranking ng 133 mga bansa kung ito ba ay kaaya-ayang pagtayuan ng negosyo base sa mga opisyal na datos at sa pananaw ng 13,000 mga negosyante na tinanong ng WEF.
Ang Switzerland ang nanguna sa mga bansang pinakamagandang pagtayunan ng negosyo, habang ang Pili pinas ay nangulelat sa rank 87 na malayung-malayo kumpara sa mga kalapit na bansa sa Asya, tulad ng Hong Kong, 11th; Taiwan, 12th; South Korea, 19th; Malaysia, 24th; China, 29th; Brunei, 32nd; Thailand, 36th; at Vietnam, 75th.
Sa 12 pillars of competitiveness ng WEF, ang Pilipinas ay nakakuha ng napakababang score, tulad ng: institutions (113th ang ating bansa); infrastructures, 98th; macroeconomic stability, 76th; health and primary education, 73rd; higher education and training, 68th; goods market efficiency, 95th; labor market efficiency, 113th; financial market sophistication, 93rd; technological readiness, 84th; market size, 35th; business sophistication, 65th; at innovation, 99th.
Ayon sa WEF, pangunahing hadlang sa pagnenegosyo sa Pilipinas ang korapsyon. Problema rin umano ang inepisyenteng burukrasya, mahinang imprastraktura, mabuway na mga polisiya, nakawan at iba pang krimen, mataas na buwis, banta ng kudeta, mahigpit na labor regulations, mahinang public health system, mababang kalidad ng edukasyon at “poor work ethics” sa labor force.
Binigyang-diin ni Jinggoy ang pangangailangang ang taumbayan na ang gumawa ng paraan upang masolusyunan na talaga ang korapsyon sa ating bansa, laluna’t mismong ang top leadership ng pamahalaan ang sangkot sa malalaking anomalya at katiwalian.
Sa mga gustong lumiham kay Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada, ipadala ito sa Room 602, Senate of the Philippines, GSIS Bldg., CCP Complex, Pasay City.