SINASABING masasalamin sa mga gusaling nakatayo sa isang lugar kung gaano kaunlad ang isang lokal na lipunan.
Sa mga gusali rin makikita kung anong uri ng komunidad ang siyudad. Kung ito ba ay isang financial o business district o residential man.
Iilan lamang ang nakakaalam at magilan-ngilan lamang din ang pumapansin sa iba-ibang storya ng pagkakatayo ng mga gusali.
May mga gusaling naitayo sa maikling panaho at meron namang matagal bago matapos ito.
Kung mapapansin ang ilang gusali sa bawat lugar na nakatiwangwang lamang at tila sadyang hindi na tinapos pa, marahil ay nagkaproblema ito. Posibleng kinapos sa pondo.
Subalit may ilang gusali namang naitayo na’y tuloy-tuloy pa rin ang paggawa sa pamamagitan ng paglala-gay ng karagdagang palapag dito.
Kahit na ba may mga nakatira at nangungupahan ritong napeperwisyo na dahil sa walang kakuntentuhan ng may-ari ng gusali. Isa sa mga nakaranas ng ganitong perwisyo ay isang doctor na lumapit sa BITAG.
Inupahan nito ang ilang kuwarto sa ikatlong palapag ng Oracle Residences kung saan binuksan ang kanyang spa at beauty clinic.
Ayon sa nakilala naming si Doc Al, bago pa man niya upahan ang nasabing units, ipinakita ng may-ari ng Oracle residences na low rise building lamang ito na may apat na palapag.
Nailathala pa nga daw sa ilang kilalang pahayagan ang advertisement ng bubuksang gusali noon.
Tamang-tama sa kaniyang negosyo dahil ang ika apat na palapag ay ang special feature ng gusali na may pool at banquet, tiyak na magugustuhan raw ng kaniyang mga kostumer.
Iyon pala’y may hidden agenda ang may-ari ng Oracle Residences dahil ilang buwan lamang ang lumipas, sini mulan na ang pagpapagawa at pagpapadagdag ng nasabing gusali ng pitong palapag pa.
Bagay na hindi inabiso sa mga nangungupahan sa gusali tulad ni Doc Al at hindi rin nasabi sa kontrata ng magsimula siyang umupa rito.
Ang siste, kaliwa’t kanang perwisyo ang inabot sa kaniyang negosyo, ang kaniyang mga kostumer, nagsimula na ring magreklamo.
Paano’y apektado ang elevator kung saan hindi ito magamit, ang parking lot kung saan hindi na maparadahan dahil mga cons-truction materials ang nakaimbak at higit sa lahat hindi na makapagrelax ang kaniyang mga costumer at hindi na rin siya makapagsagawa ng mga sensitibong operasyon dahil sa ingay at naglalaglagang alikabok at semento.
Nang manghimasok ang BITAG, natuklasan namin na may cease and desist order na pala ang Engineering Department ng Quezon City Hall na nagpapahinto sa konstruksiyon ng Oracle Residences.
Ang tanong, bakit hanggang ngayon, tuloy-tuloy pa rin ang paggawa dito? Naaktuhan pa ng BITAG nitong nagdaang linggo kasama ang mga inspector ng Quezon City hall na patuloy pa rin ang pagtatayo sa karagdagang pitong palapag.
Ang mga sumunod na pangyayari… abangan sa espasyong ito sa susunod na araw.