Di na natuto
MAY pinaplanong imbestigasyon na naman ukol sa paglubog ng Superferry 9. Isa na namang imbistigasyon na mauuwi rin sa wala. Nakakailang trahedyang-dagat na sa siglong ito? Ilang imbistigasyon ukol sa mga batas, patakaran, tungkulin, proseso ng lahat ng kinauukulan pagdating sa biyaheng-dagat? Sa dami ng naganap na trahedya, hindi ba dapat alam na ng lahat kung ano ang dapat gawin ukol sa kaligtasan ng mga pasa-hero at barko? Pero parang wala rin tayong nakukuhang mga leksyon mula sa lahat ng mga trahedyang naganap na sa mga karagatan natin.
Pinatitigil ng Marina ang pagbiyahe ng lahat ng barko ng Aboitiz, para makagawa ng inspeksiyon ukol sa kaligatasan at kaayusan ng mga barkong makabiyahe. Mga kilos ulit kapag naganap na ang trahedya! Bakit hindi ginawa ang inspeksyon noon, bago pa maganap ang aksidente? Napakaraming panahon para magawa iyan, bakit ngayon na naman pagkalipas ng isa pang trahedya? Likas na sakit ito ng lahat ng nagpapatakbo ng mga pampublikong sasakyan. Gagamitin nang walang tigil hanggang may masira na lang. Makikita mo ito sa mga bus, jeepney at taxi. Walang pag-aalaga habang umaandar, at saka lang aayusin kapag may nasira na at tumirik. Para nga naman makatipid sa gastos sa pag-aalaga.
Pero mabuti sana kung walang masasaktan o mamamatay kung sakaling tumirik na ang mga ito. Marami sana ang nakaligtas mula sa Princess of the Stars kung gumagana at umaandar sana ang barko nang hagupitin ng mga alon. At paano na naman gagawin ang imbestigasyon kung lumubog na nga ang barko? May kakayahan ba tayong sisirin ang barko at magsagawa ng kumpre-hensibong imbestigasyon kung bakit tumagilid na lang at lumubog ang Superferry 9?
Mas maganda sana kung napailalim sa isang masinsinang inspeksiyon ang barko sa mga takdang oras, para kung may problema, maayos na bago huli na naman ang lahat! Nakakasawa na talaga ang ganitong mga balita, dahil lamang hindi nagagawa ang masinsinang inspeksiyon. At ngayon, tumatagas na ang langis mula sa lumubog na barko. Malamang ito’y bunker fuel na gatong ng mga barko kapag malayo na sila sa baybay. Kaya isang trahedyang-kalikasan naman ang umaati kabo! Paano natin mapapalaganap ang turismo sa bansa kung pasama nang pasama na ang imahe ng lahat ng uri ng transportasyon sa bansa? Banggaan sa EDSA, barkong lumulubog sa dagat, eroplanong lumulubog sa aspalto sa NAIA. Sumasabay sa ulan ang buhos ng kamalasan sa bansa natin! May salot siguro.
- Latest
- Trending