Wakasan ang extra-judicial killings!
PAGKATAPOS ng ilang buwang pananahimik, tila biglang tumaas na naman ang bilang ng mga biktima ng summary killings dito sa Davao City. Nitong nakaraang buwan ng Agosto lamang, labing lima ang naitalang kaso ng mga pinatay sa iba’t ibang bahagi ng siyudad.
Hindi na kaaya-ayang panoorin sa mga balitang telebisyon dito at maging sa radyo at mga diyaryo ang magkasunod na kaso ng mga walang-awang pinapatay.
At nitong kapapasok lang na buwan ng Setyembre umabot na rin ng walo ang walang-awang pinatay. Isa sa mga biktima ay si Wilfredo Duterte, 57, isang tricycle driver na pinaslang noong Miyerkules ng gabi sa Barangay Licanan, dito sa Bunawan district.
Si Wilfredo Duterte ay sinasabing kamag-anak daw ni Mayor Rodrigo Duterte na naging sentro ng isang in-depth investigation ng Commission Human Rights dahil umano sa kanyang involvement sa Davao Death Squad vigilante group na siyang tinutumbok na nasa likod ng mga summary killings dito simula pa noong taong 2000.
Ang CHR probe ay nagsimula noong unang linggo ng Abril at hinihintay na lamang ngayon ang resulta ng magkasunod na public hearings na ginawa ng CHR commission en banc na pinangunahan mismo ng Chairman Leila de Lima.
Ilang ulit na mariing tinatanggi ni Mayor Duterte ang mga paratang na may kinalaman siya sa mga sinasabing patayan na ang mga naging biktima ay mga suspetsadong involved sa ilegal na droga at sa kung ano pang krimen.
At nakatuon nga kay Mayor Duterte ang imbestigasyon ng CHR na naging daan sa kanyang pag-resign bilang deputized representative ng National Police Commission (Napolcom).
At nitong nakaraaang linggo, hiningi nga ni Mayor Duterte sa CHR na bumalik dito sa Davao City at tumulong sa pag-iimbestiga sa panibagong pagtaas ng bilang ng summary killings.
Inamin ni Duterte na maging siya ay naaalarma sa mga pangyayari at kailangan na nga niya ang tulong ng CHR upang imbestigahan ang mga panibagong kaso ng patayan dito.
Tinawag din ng mga miyembro ng Sangguniang Panglungsod ang pansin ng mga opisyales ng Davao City Police Office na kumilos na ‘and get to the bottom of things’ ukol sa summary killings sa siyudad.
Maging ang Integrated Bar of the Philippines (IBP) ay nababahala na sa tumataas na kaso ng extra-judicial killings dito.
Hinihimok ng mga mamamayan ang pulisya rito na hindi lamang imbestigahan ngunit wakasan na ang summary killings.
Hindi pupuwedeng magpatuloy ang karahasang ito. Tigilan na.
NPA todas sa engkwentro
Patay ang isang miyembro ng New Peoples Army ng makasagupa nito ang tropa ng mga sundalo sa Brgy. Bacungan, Magsaysay, Davao del Sur kamakalawa.
Patuloy pa rin inaalam ang pangalan ng napatay na NPA na iniwan ng kanyang mga kasamahan. Ang engkwentro ay naganap dakong alas 10 ng umaga sa Sitio, Lamiago, ng nasabing bayan, habang nagpapatrolya ang tropa ng military at nasalubong ang mga rebelde. Tumagal ng 15-minuto ang pagbabakbakan at narekober sa pinangharihan ang isang M16 rifle, mga dokumento ng komunistang grupo, apat na jungle packs, mga personal na kagamitan, bandila ng NPA medical kit atbp. (Joy Cantos)
- Latest
- Trending