Sakop lahat
KASO ito ng kompanyang EII na umaangkat at nagbebenta ng langis at iba pang produktong petrolyo. Sa operasyon ng kompanya, nangutang ito sa bankong PBP. Upang garantiyahan ang utang, isinangla nito sa banko ang anim na lupa na sakop ng titulo bilang (TCT) N-685661 hanggang N-68666. Nakasaad sa kasulatan ng sanglaan na prenda ang nasabing ari-arian sa lahat ng pagkakautang ng kompanya basta’t hindi lalampas ng P500,000. Ngunit mayroon ding kondisyon sa kontrata na maaaring dagdagan ang halaga ng pagkakautang kung gugustuhin ng banko.
Pinautang ng PBP ang EII ng P200,000. Nakabayad paunti-unti ang EII hanggang P110,000 na lang ang natitira. Ang sumunod na kinuha ng EII ay isang packing credit line o credit export advance. Suportado ito ng isang letter of credit mula sa banko sa Korea at ipinadaan sa BPI. Nagkakahalaga ito ng $23,000 at nagsisilbing bayad ng isang kompanyang Koreano para sa mga produktong petrolyo na kinuha mula sa EII. Ang orihinal na beneficiary na tatanggap ng pera ay ang TLW ngunit nilipat nito ang lahat ng karapatan sa EII.
Noong Marso 17, 1987, isinumite ng EII sa PBP ang mga dokumentong may kinalaman sa letter of credit upang makautang ng $5,739.76 at $4,585.79. Binayaran ito lahat ng PBP sa EII. Noong Abril 17, 1987, ipinaalam ng banko sa Korea sa PBP na ayaw magbayad ng Koreanong buyer. May mali raw sa mga dokumento kaya isinauli ang mga ito sa PBP. Kahit anong pilit ng EII ay hindi binayaran ng Koreano ang mga dokumento.
Dahil sa nangyari, siningil ng PBP ang EII ng P573,225.60. Ito raw ang katumbas sa piso ng dolyares na nakuha ng EII. Nang hindi makabayad ang kompanya, inilit ng PBP ang mga nakasanlang ari-arian ng EII sa halagang P752,074.63. Ka sama na rito pati ang mga naunang utang ng EII. PBP ang naging highest bidder. Narehistro ang certificate of sale noong Marso 24, 1988. Noong Hunyo 12, 1989, tuluyang nakuha ng PBP ang titulo at pagmamay-ari sa mga lupa ng EII.
Noong Nobyembre 17, 1989, nagsampa ng reklamo sa korte ang EII laban sa PBP upang mapawalang-bisa ang pagremata sa lupa. Ayon sa kompanya, ginarantiyahan lang ng kasunduan sa sangla ang utang ng kompanyan hanggang P500,000 kaya’t mali ang PBP nang pagsamahin nito ang lahat ng utang ng kompanya pati ang mga hindi nabayaran na export advances. Tama ba ang EII?
MALI. Ang kasulatan ng sangla na pinirmahan ng EII ay mayroong “dragnet clause”. Ibig sabihin nito, ginagarantiyahan ng kasunduan, hindi lang ang kasalukuyang utang ng kompanya kundi ang lahat ng magiging pagkakautang nito sa hinaharap. Sa ating batas at sa mga naging desisyon ng Korte Suprema, kinikilala ang kasunduang ito na legal at tama. Ang mga ganitong uri ng kontrata ay ginagamit upang hindi na maabala pa ang magkabilang panig sa sunud-sunod na transaksiyones kada kumukuha ng bagong utang. Sa ganitong paraan, laging may nakahandang pondo na nakalaan ang banko sakali at kailangan o gustong mangutang muli ng kakontrata nito (Producers Bank vs. Excelsa Industries Inc., G.R. 1532071, May 8, 2009).
- Latest
- Trending