Sa tahanang pawid
Agosto primero, 4:00 ng umaga
malakas ang ulan at humahangin pa;
Ako ay nagbangon puso’y nangangamba
baka bahay namin tangayin ng baha!
Nang bago matulog sa radyo’y narinig
may bagyong daraan sa lubhang malapit;
Sa aming tahana’y pumasok ang lamig
ako’t ang misis ko’y biglang naligalig!
Pupungas-pungas pang ako ay bumangon
sumilip sa labas – kay dilim na ngayon;
Humahagupit na ang bagyo sa nayon
kaya sa paglabas ay nag-urong-sulong!
Sa dakong ibaba ay aking narinig –
pagguho ng lupang malapit sa batis;
Sa mga tahanang doon ay malapit
narinig ko na lang sigawa’t panangis!
Mga kapitbahay gusto kong tulungan
pero ang pamilya’y di ko maiwanan;
Si misis at bunso ay nag-iiyakan
maliligtas ako sila ay lilisan!
Nang magliwanag na ay aking nakita
mga kapitbahay ay nagungulila;
Naglaho nang lahat mga bahay nila
nalubog sa lupa’t inanod ng baha!
Kay saklap ng buhay na aming sinapit
dahil sa dalitang lagi nang kaniig;
Kung kami’y mayaman ay di magtitiis
magtayo ng bahay sa mga dalisdis!
Bakit kaya bakit ganito ang buhay
may taong mahirap may taong mayaman?
Silang masalapi’y matatag ang bahay –
samantalang kami’y pawid ang tahanan?
Kami’y tinatawag na mga squatter –
na nangakatira sa bahay na pawid;
Mga bahay nami’y sakmal ng panganib
kaya buhay nami’y madaling mapatid!
- Latest
- Trending