Buwan ng Wika: 3 bayani

Tatlo ang bayaning ipinagdiriwang

Ngayong buwang itong pangwalo sa bilang;

Ang una’y si Quezon nang noo’y isilang

Si Ninoy at Cory nang sila’y lumisan!

At ang buwang ito ay Buwan ng Wika

Na ang selebraso’y sa Baler natakda;

Mga professional, mayaman at dukha

pupunta sa Baler sa ngalan ng dila!

Si Quezon at Baler ay may kaugnayan –

Ang Ama ng Wika ay doon sumilang –

At ang Baler mismo ay may kasaysayang

Hindi malilimot ngayon at kailanman!

Si Ninoy at Cory kapwa rin bayani

Na sa ating bansa’y nag-angat sa lahi

Kamatayan nila’y ramdam ng marami

Sapagka’t nagtanggol sa mga inapi!

Tatlo ang bayaning ngayo’y hanap natin

Sa tambak ng tao na ating kapiling;

Sino sa kanila ating pipiliin

Sa nalalapi ng eleks’yong darating!

Tatlo ang kalibreng dapat na matamo

Nitong bayan nating sa ngayon ay lumpo:

Lumpong kabuhayan – lumpong pagkatao

Lumpong mamamayan sa maraming bisyo!

Nasaan si Quezon, si Ninoy at Cory

Na sa ating bansa’y tunay na bayani?

Buwan ng Agosto’y darating parati –

May lilitaw kayang may dangal at puri?

Ang wika’y isa pang problema ng bayan

Pagka’t hanggang ngayon – pinagtatalunan;

Ang Ama ng Wika sa kanyang himlayan

Waring alumpihit dahil sa alitan!

Sa dami ng wikang ating ginagamit

Ang Wikang Pambansa hindi pa malinis;

May mga wikain na pasingit-singit

At salitang hiram sa ibang daigdig!

Show comments