IKA-13 ng Agosto 1898 nang agawin ni US Adm. George Dewey ang Maynila mula sa mga Katipunerong nakapalibot sa Intramuros. Sa kanya sumuko ang mga Kastila sa takot na parusahan ng mga indio dahil sa 377 taon pagpapahirap. Mula noon, nagkaroon na ng love-hate relationship ang Pilipinas at America. Ilang mga trivia tungkol sa dalawang bansa:
Unang natutunan ng mga Pilipino ang Ingles nu’ng 1762, hindi mula sa Amerikano kundi sa British, na sumakop sa Maynila nang ilang taon. Ang ikatlong pinaka-malaking English-speaking country, sunod sa US at UK, ay Pilipinas. Binaya-ran ng US ang Spain para maangkin ang Puerto Rico, Guam at Pilipinas. Naganap ang Philippine-American War nu’ng 1898-1902. Patay na sundalong Amerikano, 4,234; Pilipino, 16,000 sa labanan at 200,000 sa sakit at gutom. Naging kolonya ng US ang Pilipinas hanggang 1946.
Isa sa mga nagtatag sa Los Angeles nu’ng 1781 ay ang Pilipinong Antonio Miranda Rodriguez, kasama ang 43 Latino mula Mexico na sugo ng gobyernong Kastila. Inimbento ng Pilipinong doktor sa Amerika na Abelardo Aguilar ang erythromycin antibiotic na Ilosone, ipinangalan sa pinagtubuan niyang Iloilo province. Si Pilipinong imbentor Marc Loinaz ng New Jersey ang gumawa ng unang videocam na may isang chip lang. Sa edad-13 nakamit ni Kiwi Danao Camara, anak ng mga Pilipinong doktor, sa Punahou School, Hawaii, ang pinaka-mataas na score na 700 points sa verbal portion ng Scholastic Achievement Test. Si Pilipino dancer naman na Joyce Monteverde ng California ang nagkamit ng pinaka-mataas ng SAT written score na 1600 points.
Ilang puro o may dugong Pilipino na celebrity sa America: Von Flores, Tia Carrere, Paolo Montalban, Lea Salonga, Ernie Reyes Jr., Nia Peeples, Julio Iglesias Jr., Lou Diamond Phillips, Phoebe Cates, at Rob Schneider. Personal physician ni Bill Clinton si Eleonor Concepcion Mariano, pinakabatang captain sa US Navy.