'Angkas' (Ride along with US cops)
PANGALAWANG linggo na ngayon ng BITAG sa California, USA. Nagsimula kami sa Daly City, California at ngayong linggong ito, sa City of Vallejo naman.
Naisagawa na ng BITAG ang aktuwal na ride along o pag-“angkas” sa loob mismo ng mobile patrol car ng Daly City police, simula alas-9 ng gabi hanggang alas-2 ng madaling-araw nitong nakaraang Huwebes.
Aktuwal na naidokumento ng BITAG ang mga pagresponde ng kanilang mga mobile patrol sa mga tawag mula sa kanilang communications department o 911.
Ito ‘yung mga maituturing na emergency calls tulad ng mga disturbance o gulo at mga kahina-hinalang aktibidades ng mga indibidwal na itinawag sa 911 ng Daly City Police.
Layunin ng BITAG na mabigyang-diin ang mga maipagmamalaki nating Fil-Am cops na kakaiba sa mga pulis natin.
Gusto naming maipakita sa mga manonood at maipaalam sa kolum na ‘to na malaki ang kanilang pagkakaiba.
Dito sa Northern California U.S.A, isama na natin ang buong Estados Unidos, ginagalang, kinakatakutan at sinusunod ang mga pulis.
Napansin namin ang mga patrol officers ng Daly City police na sinanay pagdating sa “forensic” sa mga graffiti kung ito ay kagagawan ng gang o simpleng graffiti tag-gers na walang magawa kundi dumihan ang mga pader.
Ganito rin ang misyon ng BITAG, maisagawa ang ride along sa Vallejo City Police ngayong linggong ito at mapasama sa kanilang operations laban sa mga sex offender sa ilalim ng “Megan’s Law”.
Lahat ng ito, abangan sa susunod na buwan bilang anniversary special ng BITAG.
- Latest
- Trending