Saludo kay Recto

TAMA ang ginawa ni Relph Recto. Nagbitiw siya sa pag-ka-director-general ng National Economic and Development Authority (NEDA) dahil sa plano niyang pagtakbo sa pagka-senador sa darating na eleksyon. Sa ginawa ni Recto, matatawag siyang taong may delicadeza.

Ganyan ang dapat gawin ng ibang miyembro ng gabi­nete na may political plans. Hindi kasi patas sa ibang kandidato kung patuloy silang kakapit sa tungkulin. Natural, nakikita ng taumbayan ang kanilang ginagawa at iyan ay puntos sa kanila. Yung iba nga ay may mga TV ads pa na kung tawagin ay “infomercials”.

Kaya sang-ayon ako sa panawagan ni Sen. Chiz Escudero sa mga miyembro ng gabinete na magbitiw sa tungkulin kung may balak silang tumakbo sa ano mang posisyon. Sabagay walang batas na nagbabawal na manatili sila sa posisyon dahil hindi pa naman panahon ng opisyal na pagdedeklara ng kandidatura. Pero mara­ngal na hakbang na mag-resign sa puwesto para naman ang political contest sa 2010 ay maging patas. Level playing field, wika nga. Kaso, mayroon diyan na lantad na ang intensyong tumakbo pero nakakapit pa rin sa puwesto. Natural puwede silang magpakitang gilas sa taumbayan dahil nakaluklok sila sa kapangyarihan. Isa pa, kapag may mga lumalabas na ads sa TV o sa peryo­diko, iisipin ng taumbayan na ang kanilang gina­gastos ay pera ng taumbayan.

Ayon kay Escudero, kaisa siya ni Sen. Miriam San-tiago na siyasatin ng Senado ang mga infomercials ng ibang kasapi ng gabinete. Halatang-halata kasi na pam­papogi ang mga ito. At ang kadudaduda ay ang pinagmu­mulan ng pondong ginagastos sa mga TV ads na ito.

Show comments