Simple lang daw ang kinain sa Le Cirque

MUKHANG hindi pa tatahimik ang isyu ng pagkain ng grupo ni President Arroyo sa Le Cirque sa New York, kung saan halos isang milyon daw ang ibinayad para sa hapunang iyon. Ngayon, tila nagtuturuan na kung sino ang nagbayad. Ayon kay nothing-but-the-truth Press Sec. Serge Remonde, si Congressman Martin Romualdez ng Leyte raw ang nagbayad, at hindi ang gobyerno, at simple lang naman daw ang kinain nila.

Hindi simpleng kainan ang Le Cirque. Sa internet maki­ kita kung gaano kamahal ang lugar na ito! Pero ngayon, ayon sa opisina ni Congressman Romualdez, ang kapatid niyang si Daniel, isang matagumpay, at mayaman sigurong arkitekto sa New York ang nagbayad. Maging inte­­resado kaya ang IRS sa kapatid niya? Sa ngayon, wala pa namang personal na pahayag ang congressman ukol sa isyung ito. Baka nagpapakain din sa probinsiya niya. Malayo nga naman ang mararating ng isang milyong pisong pakain sa probinsiya!

Naaalala ko pala ang pahayag ni dating Unang Ginang Imelda Marcos na wala na siyang kapera-pera. Umiiyak pa nga nang magpahayag nito. Siguro puwede naman siyang tulungan ng kanyang pamangking si Martin, na kayang-kaya namang gumastos ng isang milyong piso sa isang hapunan lang.

Ang depensa pa ng Palasyo, inimbitahan ang Unang Pamilya para kumain sa labas, at bastos naman daw kung tatanggihan nila ang kagalang-galang na congressman. Pero may batas na hindi dapat tumatanggap ng kahit anumang regalo ang isang opisyal ng gobyerno, habang nasa serbisyo. Alam ko, hindi talaga nasusunod ang batas na ito, lalo na sa ranggo ng mga empleyado. Pero hindi naman mga empleyado lamang sina Arroyo. Kaya sila napansin ng sumulat ng artikulo sa New York Post kung saan lumabas ang report. Kaliwa’t kanan na batikos ang ngayo’y natatanggap ng Palasyo ukol dito, at halos hindi na nila alam kung ano pa ang isasagot.

Ayon kay Sen. Miriam Santiago, dapat inisip daw nilang mabuti ang kanilang ginawa, dahil mali raw tingnan. Pero sabay kambiyo na hindi na dapat pinalalaki ang isyu dahil tapos na.

Hindi pa ito tapos kung hindi nagpapaliwang nang ma­ayos at hindi humihingi ng tawad ang Palasyo dahil sa nangyari. Arogante ang dating ng administrasyon, na sila’y may karapatan kumain kahit saan, kahit magkano pa ang babayaran, kahit sino pa ang nagbayad, sa panahon ng krisis at kahirapan. Sa totoo nga, may karapatan silang gawin ang kahit anong gusto nila, dahil sila ang may kapangyarihan. Bulag na ang adminis­trasyong Arroyo sa mga ginagawa nilang kamalian sa taum­­bayan, na ginagatungan pa ng mga kaalyadong mambabatas.


Show comments