NANG SI Ninoy ay bumagsak sa tarmac ng paliparan
Buong bansa ay nagluksa lumuha ang sambayanan
Sa paano ay naglaho – bayani ng katapangan,
Naglaho rin ang lalaking pag-asa ng kalayaan!
Ang duguang damit niya’y nagmistulang demokrasya
Isinuot ng babae na butihing ginang niya;
Demokrasyang punit-punit nawagayway na bandila
Na ginamit na kalasag nitong bayang abang-aba!
Sa nakitang pagkadusta buong bansa ay nagbangon
Hinawakan ang watawat na nagkulay dilaw noon;
Sagisag na itinaas ng ginang na ang dala’y sulong
Sumilaw at nagpalugmok sa masamang panginoon;
Mula noon itong baya’y nakahinga nang maluwag
Sa kamay ni Tita Cory na ang tanging hinahangad –
Ay makitang malaya na itong bayang naghihirap
Kaya siya ang pangulong inihalal nating lahat!
Sa loob ng ilang taon ang asawa ng bayani –
Bayani ring itinuring nitong bayang dati’y api;
Kalayaang hinahangad nitong bansang inaglahi
Ay nakamit na lubusan sa kamay ni Tita Cory!
Kung siya ay wala noong si Ninoy ay nag-iisa
Wala tayong kalayaang atin ngayong natamasa;
Ang mapait nga lang nito’y itong huling laban niya
Mas masakit, mas matindi pagka’t labang sarili na!
Nang dahil sa karamdaman ang asawa ng bayani
Nag-iisang naghihirap – nag-iisa sa pighati
Matagal s’yang inihiga nitong sakit na pumuti
Sa buhay n’yang dapat sana’y tutulong pa sa marami!
Habang siya’y nakaratay sa banig ng karamdaman
Di mabilang ang sa kanya’y nagdasal ng totohanan;
Ayaw nilang ang buhay mo ay kaagad na maparam
Pagka’t tanging inspirasyon ng lahat ng mamamayan!
Pangulo kang sa bayan mo’y bayani rin ang katumbas
Ngayo’y di ka nag-iisa sa landas mong paitaas;
Si Ninoy at saka ikaw ngayo’y laging magkayakap
Na kapiling ng Maykapal na sa inyo’y lumilingap!