Huwag n'yong pukulin ng sisi si Mayor Tinga

MUKHANG di-kagandahang balita itong ipinakalat ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na pito sa kaanak ni Taguig mayor Freddie Tinga ang hinuli sa pagpapakalat ng shabu sa lungsod. Kung tutuusin hindi naman kasalanan ni Tinga na magkaroon ng mga drug pusher ang kanilang angkan dahil hindi naman niya talos ang mga buhay-buhay nito. Ika nga’y may kanya-kanya silang pag-iisip sa bawat isa kung kayat hindi niya magawang subaybayan ang bawat kilos ng kanyang mga kaanak. Huwag naman sana ninyong ipukol ang lahat ng sisi kay Tinga.

Ngunit tila hindi kuntento ang ilang kababayan sa Taguig dahil kamakailan kasi mga suki, nanawagan si Taguig Konsehal Arvin Ian Alit ng pangalawang distrito na palakasin ang Taguig Anti-Drug Abuse Council (TADAC) na pinangungunahan nina Mayor Freddie Tinga at Vice Mayor George Elias. 

Matapos mai-deklara ng PDEA na ang Taguig City ay isang “drug hot spot” na pinaghaharian umano ng “Tinga Drug Syndicate”. Pito na umano ang may apelyi­dong Tinga ang hinuli sa ipinagbabawal na gamot kaya labis na ang kanilang pagkabahala sa kinabukasan ng kanilang mga anak.

Kaugnay sa balitang iyan, isang Noel Tinga na kamag-anak umano ni Mayor Tinga at dating Supreme Court Justice Dante Tinga ang kasalukuyang nasa illegal drug watchlist din ng pulisiya. Habang isang Joel Tinga naman ang nahuli sa akto ng PDEA na nagbe­benta ng P100,000 halaga ng shabu sa isang drug buy bust operation. Lumalabas din sa masusing pagsaliksik ng PDEA na lima pa sa mga kaanak nito na sina Fernando, Allan Carlos, Alberto, Bernardo at Hector Tinga ay nakalaboso rin sa salang drug pushing.

Lumalabas kasi sa report na si Bernardo ay nahuli noong 1996. Si Hector naman ay nadakip noong 2007 at nakulong, ngunit sa di inaasahang pangyayari ay nakalabas ng kulungan habang ang kasama nito na si Arnel Montano ay nadiin sa parehong kaso. Sina Fernando, Allan Carlos, at Alberto ay nahuli ito lamang 2009 sa ancenstral house mismo nina mayor Freddie Tinga at dating Supreme Court Justice Dante Tinga sa Barangay Ususan.

Dagdag pa ni Alit na dapat din paigtingin ang ko­ordinasyon sa mga karatig bayan na mayroon din anti-drug abuse council tulad ng Pateros, Muntinlupa, Makati, at Pasig. Ito ay sa kadahilanang upang matukoy at ma­gawan ng aksyon kung saan nanggagaling at ginagawa ang mga pinagbabawal na gamot at kung saan ang mga “transhipment points” at lugar ng aktwal na bentahan. 

Ayon kasi sa report kung may “shabu tiangge” sa Pasig, mayroon namang “shabu sari-sari Store” sa Taguig. Ito umano ang dinarayo ng mga adik sa shabu dahil nabibili ito sa taguring “Marlboro” sa halagang P650 kada pakete.


Show comments