'Woman of faith'
Hanggang sa kahulihuliang sandali ng buhay ni dating Pangulong Corazon Aquino, ito ay inalay pa rin sa pagdarasal. Nandoon ang kanyang pamilya na magkasamang nagrosaryo at sila nga ay nasa 5th Sorrowful Mystery na Crucifixion and Death of our Lord Jesus Christ nang siya ay nilagutan ng buhay kahapon ng 3:18 a.m. ng madaling araw sa Makati Medical Center.
Mapayapang pumanaw si Cory na hawak pa rin niya sa kanyang kamay ang rosary na binigay ni Sister Lucia, ang visionary ng Fatima. Ang nasabing rosary ay siya ring pinahihiram ni Cory tuwing may nagkakasakit sa kaniyang pamilya o mga kaibigan.
Sa lahat ng pinagdaanan ni Cory sa buhay, kasama niya ang Diyos.
Taimtim ang kanyang pananalampalataya sa Maykapal na siyang naging lakas niya at naging daan upang malampasan niya ang lahat ng pagsubok.
Higit pa sa kanyang pagiging simbolo ng demokrasya, si Cory ay naging simbolo rin ng ating pagiging madasalin na bansa, bilang isa sa mga nanatiling Kristiyanong bansa sa bahaging ito ng daigdig.
At higit pa sa pagiging simbolo ng kalayaan, may isang regalo rin na naipamana si Cory sa sambayanang Pilipino, at ito ay kung paano huwag bumitaw sa hawak natin sa kamay ng Panginoon.
Si Cory ang matatawag na ‘woman of faith of the modern times’. Kahit sa karangyaan ng pamilya niya nanatili siyang simple at mapagkumbaba.
Hindi naging abusado si Cory sa kapangyarihang kasama sa pagiging presidente ng bansa.
Mapagbiro rin si Cory. Sa mga panayam ko sa kanya nitong mga huling nagdaang taon, tumatawa ako pag sinasabihan niya ako na isusumbong niya ako kay Sir Sonny Belmonte pag tinatanong ko siya ng mga medyo maintrigang questions. Pero kahit ganun, sinasagot naman niya ang mga tanong ko sa kanya. Kaya nga lang, parating may halong birong ‘Sige, isusumbong kita kay Sonny’.
Maraming aral tayong mapupulot sa naging buhay ni Cory. Ito ay mga leksyon na sana ay matutunan din ng mga pangkasalukuyang breed ng ating mga politiko at mga opisyales ng gobyerno.
Tinuruan tayo ni Cory paano maging matatag bilang tao, bilang isang bansa, bilang isang Pilipino. At ito ay sa pamamagitan sa pagpapaalala sa atin na huwag kalimutang magdasal.
Higit sa lahat, tinuruan tayo ni Cory kung ano ang mas mahalaga sa buhay. Na mas mahalaga ang Diyos kaysa anumang kayamanan at kapangyarihan sa mundo.
Madam President, you can now rest deep in the heart of God.
- Latest
- Trending